“The Place to be”: Naalala mo pa ba ang fast food chain na “Cindy’s?”

  • Napabalik–tanaw ang mga netizen sa fast food restaurant na “Cindy’s”
  • Kilala ang Cindy’s Bakeshop and Restaurant sa masasarap na express meal tulad ng burger, fries, fried chicken, spaghetti, at marami pang iba
  • Marami sa mga netizen ang nagbahagi ng kanilang mga alaala at karanasan dito

Sadyang mahilig kumain ang mga Pilipino.Katunayan, isa sa mga kumikita at malakas na industriya sa bansa ay ang mga negosyo ng pagkain, fast food chains, at restaurants. Isa sa mga hindi malilimutang fast food chain sa bansa ang “Cindy’s”. Subalit maraming nagtatanong: Nasaan na nga ba ito? Bakit parang nawala na ito?

Isang Facebook user na nagngangalang Ghrace Perello ang nagbahagi ng lumang larawan sa Facebook page na “Memories of Old Manila” ng “The Place to Be”—ang Cindy’s, na minsang ding sumikat dahil sa masarap nilang hamburger, french fries, at fried chicken. Ayon sa caption ng kaniyang Facebook post, “May nakakaalala pa ba nito… THE PLACE TO BE?”

Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

Naghatid ng “nostalgia” ang naturang lumang larawan sa mga netizen. Marami sa kanila ang nagbahagi ng kanilang alaala sa naturang kainan. Pagbabahagi ng isa, “Burger, french fries at fried chicken, chicken barbeque, palabok and spaghetti when your hungry, CINDY’S is the place to be!”

“Noong nagka–Jollibee nawala na. Mas type ko Tropical Hut noon, kahit meron pa nito. Mga early 90’s nagkaroon niyan ng branch sa may EDSA Muñoz, kahilera po ng McDonald’s doon but ngayon ay wala na at naging tindahan na lang ng sapatos,” saad naman ng isa.

Kuwento naman ng isang naging service crew ng Cindy’s, “Dito umikot ang buhay–teenager ko, unang salta ako sa Maynila, unang work experience ko at nakilala ang hubby ko… masasabi kong one of the best burgers in town ang tinda ng Cindy’s. I’m a proud to be a Cindy’s employee way back 1977.”

Ang Cindy’s na may tagline na “The Place To Be ay itinayo noong taong 1971 ng isang pangkat ng mga mangangalakal sa Tarlac na may puhunang pangarap na magkaroon ng restaurant na may “good food in a good place”. Naitayo ang unang Cindy’s sa Tarlac noong 1972, na isang bakeshop and restaurant, na ang pangunahing produkto ay tinapay at meryenda.

Nang maging matagumpay ito, nagsimula na rin silang magkaroon ng mga express meal tulad ng fried chicken, spaghetti, burger, fries, at marami pang iba.

Sa kasalukuyan, bagama’t hindi na aktibo sa pagiging restaurant ang Cindy’s dahil sa tindi ng kompetisyon, nananatili naman itong bakeshop na may 62 branches sa iba’t ibang panig ng Pilipinas. Ang bago na nitong tagline ay “Savor Great Moments”.

Imahe mula sa opisyal na website ng Cindy’s Bakeshop and Restaurant

Loading…