Transport groups, ihihirit na itaas sa P11 ang minimum fare sa jeepney sa Enero

  • Minimum fare sa jeepney nais itaas sa P11 mula sa kasalukuyang P9
  • Sa Enero 2020 ay maghahain ng petisyon sa LTFRB ang mga transport groups para sa hinihinging taas-pamasahe
  • Ang hirit na pagtaas ng pamasahe ay kaugnay ng napipintong pagtaas ng presyong krudo sa Enero 1, 2020

Plano ng ilang grupo ng samahan ng mga jeepney drivers at operators na maghain ng petisyon upang itaas sa P11 ang minimum na pamasahe sa mga jeepney simula sa buwan ng Enero sa susunod na taon.

Imahe mula sa SCMP

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Pasang Masda president na si Obet Martin na ang kanilang gagawing hakbang ay kaugnay ng nakaambang pagtaas ng krudo sa unang araw ng taong 2020. Aniya, tataas ng P1.70 kada litro ang presyo ng krudo sa Enero 1 dahil sa ipatutupad na tax reform law.

Sa ngayon, ang presyo ng krudo ay P42.50 kada litro at magiging P44.20 na ito kada litro sa Enero, ani Martin.

Magiging napakabigat na umano para sa bulsa ng mga tsuper ng jeep ang mataas na presyo ng krudo. Karaniwan daw na nasa P400 hanggang P500 lang ang naiuuwing kita ng mga jeepney driver sa loob ng 14 hanggang 16 na oras ng pamamasada. Maswerte na umano na makapag-uwi sila ng P600 sa isang araw.

Sinigurado ni Martin na sa loob ng buwan ng Enero sila maghahain ng petisyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Sinegundahan ni Zeny Maranan, presidente ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines o FEJODAP, ang tinuran ni Obet Martin.

Screenshot mula sa video ng GMA

Ani Maranan, hindi na kakayanin ng mga jeepney drivers ang napipintong pagtaas ng presyo ng krudo.

“Kung puwedeng magpasensiya, kung puwedeng magtiis sa kaunting-kaunting kinikita, may maiuwi lamang, nagtitiis kami. Pero itong klaseng ito, hindi na po kaya,”aniya.

Nilinaw ni Maranan na ang P11 minimum fare na hirit ng mga transport groups ay magiging P12 sa oras na tumaas ang presyo ng krudo sa P49 kada litro.

Screenshot mula sa video ng Diaryong Tagalog
Source :

ABS-CBN, Remate

Loading…