Tuklasin ang ‘Carabao Island’ sa Romblon, ang susunod na Boracay

  • Ang Carabao Island sa Romblon na raw ang susunod sa Boracay
  • May white sand rin kasi ang dagat dito at may mga nagtatayo na rin ng private resorts
  • Lumobo na rin ang bilang ng mga turistang pumupunta sa Carabao Island

Kinilala ng mundo ang ganda ng Boracay. Naging sikat ito sa mga turista dahil sa puti nitong buhangin at magandang view. Gayunman, naabuso ang kalikasan sa may Boracay kaya naman kinailangan itong isaayos sa loob ng anim na buwan.

Kung sakaling kailanganin ng katuwang ng Boracay sa pagtanggap ng mga turista, isang isla sa San Jose, Romblon ang maaari ding puntahan. Katulad ng Boracay, mayroon din itong white sand at mga limestone formation na picture perfect din.

Larawan mula sa PNA

Sa isang ulat ng Philippine News Agency, ibinida nito ang ganda ng Carabao Island sa Romblon. Bagama’t malayo pa raw ito sa narating at pag-unlad na natamo ng Boracay, sinisikap daw ng local na pamahalaan na mas mapaganda ito upang makaakit pa ng mas maraming turista.

Nakaka-relax umano ang magandang view ng kanilang karagatan na mayroon pang puting buhangin. Marami ding puno ng buko, may magandang tanawin ng mga palayan na pang-Instagram ang ganda. Mayroon ding munting kuweba na tinatawag na Cathedral Cave na maaaring pasyalan ng mga hindi lamang beach lover, kung hindi handa rin sa extreme adventure.

Puwede ring mag-cliff diving ang mga gusto pa ng kakaibang karanasan sa isla. Ayon sa mga sumusubok, para ka raw tumalon sa ikalawa o ikatlong gusali mula sa formation ng bato na ang sasalo naman sa iyoay ang malinaw na tubig ng karagatan.

Mayroon na ring nagtayo ng isang luxury boutique resort sa Carabao Island na dagdag atraksiyon sa isla. Isa sa mga dinarayo sa nasabing resort ay ang 180-degree panoramic view ng karagatan. Mayroon din silang infinity pool na perfect daw languyan lalo na kung sunset.

Ayon sa lokal na pamahalaan, sa Boracay daw dapat itatayo ang nasabing luxury resort. Ngunit dahil mas mahal ang pagpapatayo ng ari-arian doon, mas minarapat na raw nilang sa Carabao Island na lang ito isakatuparan.

Larawan mula sa PNA

Natutuwa naman ang tourism office ng Carabao Island dahil patuloy na dumarami ang bilang ng turista sa kanilang isla. Mula raw sa naitalang 17,000 na bisita noong 2018, nasa 30,000 na raw ang dumalaw sa Carabao Island nitong first quarter pa lamang ng taon.

Maaaring marating ang Carabao Island sakay ng bangka mula sa Tablas o Caticlan. Malapit lang din ito sa Boracay na tinatayang mararating sa loob ng 30 minutong biyahe. May direktang flight na rin ang isang sikat na airline papunta sa Tablas na daan papunta sa Carabao Island.

Sino na sa inyo ang nakarating sa napakagandang islang ito?

Source :

PNA, ABS-CBN News

Loading…