Ukulele ng viral ukulele boy ng Talisay City, natupok ng apoy

  • Ukulele na ginagamit ni Jonlie Cabradilla, natupok ng apoy
  • Si Cabradilla ang batang nag-viral noon dahil sa husay niya sa pagtugtog ng ukulele
  • Sa ngayon ginagamit niya ang ukulele ng isang tiyuhin

Naalala n’yo pa ba si Jonlie “Tongli” Cabradilla, ang batang taga-Talisay City sa Cebu na nag-viral dahil sa husay niyang tumugtog ng ukulele?

Screenshot mula sa video ni TJ Clemente via Facebook

Masaklap ang nangyari sa pamilya ni Tongli ilang linggo bago sumapit ang Pasko.

Natupok ng apoy ang bahay nila noong ika-9 ng Disyembre, kasama na ang ukulele na ginagamit niya sa pagtugtog sa isang community museum sa Parian, Cebu City – ang Yap-Sandiego Ancestral House.

Salaysay ni Jojie Cabradilla, ang ina ni ukulele boy, gabing-gabi na silang nakauwi ng bahay mula sa pangangaroling. Matutulog na raw sila nang marinig nila na biglang sumigaw ng “sun0g” ang isang kapitbahay.

Agad na bumangon si Jojie at ang asawa at dali-daling ginising ang mga anak na halos lahat ay tulog na.

Nang makalabas na sila ng bahay ay saka lang nila nakita na ang katabi ng bahay nila ay tinutupok na ng malaking apoy. Hindi na raw sila nakabalik ng bahay nila para iligtas ang mga gamit. Ani Jojie, naabo ang bahay nila kasama na ang lahat nilang kagamitan at mga ukulele.

Nananawagan ng tulong ang pamilya ni Tongli sa mga may mabubuting kalooban. Kasalukuyan umano silang naninirahan sa isang evacuation center dahil hindi pa natatapos ang pagpapakumpuni ng bahay. Sabi ng ina ng bata,  ang perang kinita ni Tongli sa pagtugtog sa Yap-Sandiego Ancestral House ang ginamit nila para masimulan ang pagpapagawa ng bahay.

Imahe mula sa Facebook account ni Jonlie S. Cabradilla

“Sa tanang adunay malumo nga kasingkasing bisan unsa nga hinabang dawaton namo kay wala gyud mi masalbar sa sun0g,” pagsusumamo ni Ginang Cabradilla.

[Sa lahat ng may mabuting puso, kailangan namin ang kahit na anong tulong dahil wala kaming naisalbang gamit mula sa sun0g]

Si Tongli ay patuloy pa ring tumutugtog sa Yap-Sandiego Ancestral House tuwing araw ng Sabado at Linggo upang makatulong sa araw-araw na pangangailangan ng kanyang pamilya. Sa ngayon ginagamit niya ang ukulee ng isang tiyuhin.

Imahe mula sa Facebook page ng Yap-Sandiego Ancestral House

Loading…