Vlogger Lloyd Cadena, namigay ng school supplies sa mga katutubong Aeta sa Pampanga

  • Namigay ng school supplies ang vlogger na si Lloyd Cadena sa mga batang Aeta sa Pampanga
  • Bahagi ito ng kanyang tradisyon na ’12 Days of Christmas’ na ipinalalabas niya sa kanyang vlog
  • Maraming netizens naman ang humanga sa kagandahang loob ni Lloyd at ng kanyang team

Hindi maikakaila na ang industriya ng vlogging ang nakapagbibigay ng malaking kita sa ilang Pilipino. Kabilang sa mga sikat at most followed na vlogger sa Pilipinas si Lloyd Cadena. Nagsimula lamang siya sa paggawa ng mga video ng komedya at nang marami ang naaliw sa kanya at kumita na sa kanyang vlog, naging bahagi na ng kanyang channel ang pagtulong sa kapuwa.

Bilang bahagi ng tradisyon niyang ‘12 Days of Christmas’ sa kanyang vlog, napiling tulungan ng vlogger na mayroong 4.35 million subscribers ang mga mag-aaral na Aeta sa Pampanga. Namigay ng pamaskong school supplies si Lloyd kasama ang kanyang LC Creations team.

Larawan mula kay Lloyd Cadena

Nanghingi raw ng tulong kay Lloyd si Sir Tonton, CEO ng isang BPO company sa Pampanga na kung maaari ay mabigyan ng school supplies ang mga mag-aaral na Aeta sa Porac, Pampanga. Nawalan daw kasi ng eskwelahan ang mga bata dahil sa lind0l kaya naman sa mga makeshift classrooms na lang sila nagkaklase ngayon.

Dahil bahagi naman na ng misyon ni Lloyd ang tumulong sa mga bata tuwing Pasko, hindi na siya nag-atubili at agad na naghanda ng school supplies at pagkain para sa mga katutubo sa Pampanga. Namigay sila ng notebooks, lapis, krayola, ruler, at maging manila paper.  Bawat bata ay nakatanggap ng isang plastic envelop na naglalaman ng mga nabanggit na school supplies.

Wala namang pagsidlan ang pasasalamat at galak ng mga gurong umaalalay sa edukasyon ng mga katutubo. Ayon sa kanila, malaking tulong ang mga school supplies upang maiparating sa mga katutubo ang kahalagahan ng pag-aaral.

Nag-iwan din ng mensahe si Madam Aivan, isa sa mga kaibigan at kasamahan ni Lloyd sa pagba-vlog tungkol sa magagandang epekto sa kanila kung pagsusumikapang makapag-aral nang mabuti sa kabila ng kanilang pinagdaraanan.

Larawan mula kay Lloyd Cadena

Hindi ito ang unang beses na namigay ng school supplies si Lloyd sa mga estudyante. Noong Hunyo lamang, bumalik si Lloyd sa kanyang alma mater upang mamigay ng school supplies na nagkakahalaga ng P100,000.

Dahil dito, marami ang humanga kay Lloyd at sinabing kaya patuloy ang pagdagsa ng biyaya sa kanya ay dahil hindi nito nalilimutang tumulong sa mga nangangailangan. Kilala rin si Lloyd na tumutulong sa kanyang mga kapitbahay na madalas ding mapanood sa kanyang mga vlog.

Source :

YouTube, Facebook

Loading…