Yorme Isko at Mayor Vico Sotto todo suporta sa relaunching ng Pasig River Ferry System

  • Pasig River Ferry System muling inilunsad ng MMDA
  • Mayor Isko at Mayor Vico Sotto nagbigay ng suporta sa relaunching ng Pasig River Ferry System
  • Si Senator Bong Go ang guest speaker sa relaunching ceremony

Nagbigay ng kanilang suporta sina Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at Pasig City Mayor Vico Sotto sa isinagawa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na relaunching ng Pasig River Ferry System (PRFS) nitong Lunes, ika-9 ng Disyembre.

Imahe mula sa Manila PIO

Kasamang dumalo ng dalawang batang alkalde sa muling paglulunsad ng ferry system sina Department of Transportation Secretary Art Tugade at Senator Christopher Lawrence “Bong” Go, na siyang guest speaker sa relaunching ceremony.

Masayang ipinahayag ni MMDA Chairman Danilo Lim na simula December 9, 2019 hanggang January 31, 2020 ay libre ang sakay sa Pasig River Ferry.

“The Pasig River ferry service has been an alternative mode of transport to Metro Manila commuters who want to avoid traveling the busy streets of Metro Manila. Now, they can enjoy ferry rides between Pasig City and Manila City for free until the end of January,” anang MMDA chairman.

Sinabi ni Lim na layon ng libreng sakay na mahikayat ang mga pasahero na tangkilikin ang ferry service kaysa sa mga public utility vehicles at maiwasan ang abalang dulot ng matinding trapiko sa mga lansangan ng Metro Manila.

Ayon pa kay Lim, asahan na ang mga karagdagang ferry boats na mas ligtas at mas mabilis, gayundin ang mga ipinaayos na ferry stations.

Imahe mula kay Mayor Vico Sotto

Pinasalamatan ni Lim ang mga nagbigay ng suporta sa proyekto lalo na si Mayor Vico Sotto na nagpahiram ng dalawang bagong ferry boats na pag-aari ng Pasig City para maging bahagi ng PRFS fleet.

May 7 ferry boats na ngayong ang PRFS na kayang magsakay ng iba’t bang bilang ng mga pasahero. Ang dalawang ferry ay kayang maglulan ng 57 passengers, 3 ferry ang kayang magsakay ng 36 passengers at 2 ferry boat na 16 passengers ang kapasidad.

Ang ferry service ay bibiyahe mula Pinagbuhatan sa Pasig City hanggang sa Escolta sa Maynila sa labing-isa nitong ferry stations na Pinagbuhatan, San Joaquin at Maybunga sa Pasig City; Guadalupe at Valenzuela sa Makati City; Hulo sa Mandaluyong City; at Lambingan, Sta. Ana, PUP, Lawton at Escolta sa Maynila.

Imahe mula kay Mayor Vico Sotto

At upang mapalawig pa ang operasyon at mapagsilbihan ang mas maraming pasahero, planong magtayo ng mga karagdagang istasyon sa Quinta Market sa Maynila, Circuit Makati sa Makati City at Kalawaan sa Pasig.

Source :

PIA, ABS-CBN

Loading…