Yorme pinangunahan ang clearing operation sa Pasig River, mga bulok na barge pinaaalis

  • Pasig River isasailalim sa clearing operation
  • Ipinag-utos ng DENR na alisin ang mga sirang barge na nakaparada sa gilid ng Ilog Pasig
  • Pinangunahan ni Mayor Isko Moreno ang pag-iinspeksyon sa kahabaan ng Pasig River

Isang araw matapos ang muling paglulunsad ng Pasig River Ferry Service (PRFS) sa layuning maibsan ang trapiko sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila ay nagsagawa ang ilang opisyal sa pangunguna ni Mayor Isko Moreno ng pag-iinspeksyon sa Pasig River.

Imahe mula sa Manila PIO

Sakay ng isang ferry, kasama ni Mayor Isko sina Transportation Secretary Art Tugade, Environment Secretary Roy Cimatu at Metropolitan Manila Develoment Authority (MMDA) Chairman Danilo Lim na bumaybay sa kahabaan ng Pasig River upang alamin ang sitwasyon ng ilog.

Target ng ginawang operasyon na maalis ang mga luma at kinakalawang na mga barge na makasasagabal sa takbo ng mga ferry boat ng PRFS.

Ginamitan ni Mayor Isko Moreno ng acetylene torch ang isang sirang barge na nakaparada sa gilid ng Pasig River malapit sa Jones Bridge bilang simbolikong pagsisimula sa clearing operation upang mapalawak ang daraanan ng mga ferry boat.

Nadiskubre din ng alkalde at mga kasamang opisyla ang mga bahay sa gilid ng Pasig River na hinihinalang nagtatapon ng mga basura sa ilog.

Sinabi ni Mayor Isko na kailangang alisin ang mga naturang bahay, subalit kailangan umanong hanapan pa ng malilipatan ang mga apektadong pamilya.

Kaugnay ng clearing operation sa Pasig River, inilabas ni Secretary Cimatu ang Memorandum No. 2019-1011 na inaatasan ang lahat ng public offices and officials na agad linisin ang mga “obstructions and blockages” sa ilog.

Screenshot mula sa GMA video

Ayon sa Philippine Coast Guard, hindi na papayagan ang mga water vessels na mag-double parking sa Pasig River. Sinabi naman ng Philippine Ports Authority na papayagan lang ang mga barge na makapasok sa Pasig River sa mga oras na mula 6:00 pm hanggang 6:00 am.

Samantala, nagtalaga ng mga “harvesters” si MMDA chairman Lim na inatasang alisin ang mga water lily sa ilog na maaaring pagmulan ng pinsala ng mga ferry boat.

Sa isang panayam, sinabi ni MMDA traffic chief na si Bong Nebrija na ang mga water lily ang isa  sa mga problemang kinahaharap ng ferry system.

“Isa po iyan sa challenge na kinakaharap ng Pasig ferry natin. Ayaw naman nating masira ang ferry natin, ma-delay ang operations kaya minsan sinu-suspend namin iyan because of the condition of the Pasig River,” aniya.

Imahe mula sa PRRC

Loading…