24 pasyente binabantayan ng DOH sa posibleng pagkakaroon ng nCoV

  • Binabantayan ng DOH ang 24 na pasyente sa posibleng pagkakaroon ng nCoV
  • Ang 18 sa mga pasyente ay nasa Metro Manila at ang iba ay nasa Visayas at Mindanao
  • Muling iginiit ni Health Secretary Duque na wala pang kumpirmadong nCoV case sa bansa

Dalawampu’t apat (24) na pasyente na pinaghihinalaang may novel coronavirus (nCoV) ang mino-monitor sa iba’t ibang pagamutan sa bansa, ayon sa Department of Health (DOH).

Imahe mula sa DOH

Sa isang press briefing noong Martes, ika-28 ng Enero,  isiniwalat ng DOH Secretary Francisco Duque III na umabot sa 27 ang mga pasyenteng itinuring nilang “patients under investigation” (PUI) upang alamin kung positibo sila sa nCoV.

Anang kalihim, tatlo sa 27 pasyente ang na-discharge na matapos lumabas ang resulta ng laboratory test na nagsasabing iba ang kanilang karamdaman. Hindi ipinaalam ng DOH ang lokasyon ng mga na-discharge na pasyente upang pangalagaan ang kanilang seguridad.

Karamihan umano sa mga PUI ay mga Chinese nationals at walang mga Pilipino.

Hindi binanggit ang eksaktong pangalan ng mga ospital kung saan mino-monitor ang mga pasyente, pero ayon sa DOH, ang 18 ay nasa Metro Manila, 1 sa Western Visayas, 1 sa Mimaropa, 1 sa Eastern Visayas, 2 sa Central Visayas at 1 sa Northern Mindanao.

Ang lahat ng mga nabanggit na PUI ay may travel history sa Wuhan City, ang sentro ng nCoV outbreak.

Imahe mula sa DOH

Ayon kay Sec. Duque, hinihintay pa nila ang resulta ng screening at confirmation tests mula sa Research Institute for Tropical Medicines sa Alabang Muntinlupa City at sa Victorian Infectious Disease Reference Laboratory sa Australia.

Iginiit ni Sec. Duque na wala pang kumpirmadong kaso ng nCoV sa bansa. Muli rin siyang nagbigay ng paalala sa publiko tungkol sa mga paraan kung paaano maiiwasan na mahawahan ng kumakalat na sakit.

Imahe mula sa DOH

Loading…