33 taon na sa serbisyo: Janitor sa Manila City Hall pinagkalooban ng pabahay ni Mayor Isko

  • Isang empleyado sa Manila City Hall ang mapalad na pinagkalooban ng pabahay ni Mayor Isko Moreno
  • Ang empleyado ay si Melchor Duca, isang janitor, na 33 taon na sa serbisyo
  • Ayon kay Mayor Isko, ginawaran si Mang Melchor dahil sa inialay nitong serbisyo sa lungsod

Kapag ang isang manggagawa ay nakatagal nang mahigit sampung taon sa kaniyang pinagtatrabahuhan at naging makabuluhan ang kaniyang serbisyo ay ginagawaran siya ng gantimpala ng kaniyang amo.

Bukod sa plake o sertipikasyon ng pagkilala, karaniwang may kalakip na salapi ang empleyadong pagkakalooban ng service award. Paano kaya kung pabahay ang ibigay sa isang karapat-dapat na empleyado?

Imahe mula sa Facebook page ni Mayor Isko Moreno Domagoso

Isang magandang balita ang ibinahagi ni Manila City Mayor Isko Moreno sa kaniyang Facebook page tungkol sa isang empleyado ng Manila City Hall. Kasama si Vice Mayor Honey Lacuna, ipinagkaloob nila sa janitor na si Melchor Duca ang ‘susi’ sa bago nitong bahay at isang bagong smartphone.

“Siya po si Melchor, empleyado ng ating City General Services Office. 33 taon na po siyang nagtatrabaho sa City Hall,” paliwanag ni Mayor Isko.

Dahil taga-Cavite si Mang Melchor, tuwing Sabado lamang ito umuuwi ng bahay at natutulog sa City Hall mula Lunes hanggang Biyernes.

“Bilang pagkilala sa kanyang inialay na serbisyo sa lungsod, ginawaran natin siya hindi lang ng smartphone pati na rin pabahay para sa kanyang pamilya. Mabuhay po kayo!” dagdag pa ni Mayor Isko.

Ayon sa report ng  Journal, ang handog na pabahay kay Mang Melchor ay naitayo sa ilalim ng housing program ng lungsod.

Samantala, ang gantimpalang natanggap ni Mang Melchor ay may kaugnayan sa inaprubahang Administrative Order No. 29 ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Enero 10, 2020.

Sa ilalim nito, inatasan ni Pangulong Duterte ang mga kinauukulan na bigyan ng gratuity pay ang mga empleyado ng gobyerno na ang estado ay job order at contractual. Tatlong libong piso ang maximum na maaaring ibigay sa kanila.

Imahe mula sa Facebook page ni Mayor Isko Moreno Domagoso

Tinatayang 4,000 empleyado ng Manila City Hall ang job order at dalawang libong piso ang inaprubahan umano ni Mayor Moreno na bonus para sa kanila.

Source :

Facebook, Journal

Loading…