Aga Muhlach, nagpasalamat sa mga artistang nakasama niya sa MMFF blockbuster na Miracle in Cell No. 7

  • Pinasalamatan ni Aga Muhlach ang mga nakasama niya sa pelikulang Miracle in Cell No. 7
  • Masaya si Aga na makatrabaho ang mga baguhan at beteranong aktor sa kanilang pelikula
  • Maraming netizens naman ang natuwa at sinabing mahuhusay talaga ang mga aktor sa pelikula kaya ito ang top grosser ng MMFF 2019

Ginulat ng Philippine remake ng pelikulang Miracle in Cell No. 7 ang movie goers ngayong taon dahil matapos ang ilang taong pagdodomina ng mga pelikula ni Vice Ganda sa Metro Manila Film Festival, ang Aga Muhlach starrer ang nanguna sa takilya ngayong taon.

Dahil sa tagumpay na natamasa ng pelikula, mula sa malaking kinita nito hanggang sa magagandang review, hindi matapos ang pasasalamat na ipinaaabot ng lead star na si Aga sa lahat ng sumoporta, maging ang mga nakasama niya sa pagbuo ng Miracle in Cell No. 7.

Larawan mula sa YouTube video ng VIVA Films

Sa isang Instagram post, pinasalamatan ni Aga ang mga artistang nakatrabaho niya sa pelikula. Sabi ng sikat na matinee idol noong 80s, isang karangalan na makasama ang mga aktor na ito ng iba’t ibang henerasyon at makagawa ng isang makabuluhang proyekto.

Kabilang sa pinasalamatan niya ay ang gumanap bilang anak niya sa pelikula na si Xia Vigor at Bela Padilla. Bagama’t ito ang unang pagkakataon na makatrabaho niya ang dalawang Kapamilya stars, ay naging maganda ang kanilang samahan at chemistry on screen.

Hindi rin nakalimutang pasalamatan ni Aga ang dalawang award-winning veteran actors na sina Tirso Cruz III at John Arcilla. Si Tirso ang nagsilbing kontrabida sa pelikula habang si John naman ang nagbigay ng pag-asa sa tauhang ginampanan nina Xia at Bela.

Ngunit maraming netizens ang nagbigay-pugay, kasabay ni Aga, para sa mga gumanap na inmates niya sa pelikula. Kabilang sa mga ito ay sina Joel Torre, JC Santos, Soliman Cruz, Jojit Lorenzo, at Mon Confiado. Kahit kasi supporting role lamang sila sa pelikula ay hindi nila nabigo ang mga manonood dahil nagampanan nila nang maayos ang kanilang roles.

Larawan mula sa YouTube video ng VIVA Films

Sa katunayan, pinuri ng maraming netizens ang kanilang husay sa drama at pagpapatawa na siyang nagbigay-buhay daw sa buong pelikula. Hinangaan ng mga netizens ang pagganap ni JC Santos bilang isa sa mga preso. Ayon sa kanila, maraming beses daw na paiyak na sila pero bigla silang hahalakhak dahil sa mga hirit ng aktor.

Pahayag naman ng ilang netizens, kahit daw napanood na nila ang original movie ay napatawa at napaiyak pa rin sila ng buong cast kaya naman hindi na nakapagtatakang ito ang pinakapinanood na pelikula sa nagdaang MMFF.

Loading…