Alaala ng Nakaraan: Natatandaan mo pa ba ang kantang “1 plus 1” noong iyong kabataan?

  • Naalala mo pa ba ang kantang pambata na “1 plus 1”?
  • Nanumbalik ito sa gunita ng mga netizens at naghatid ng nostalgia dahil sa isang Facebook post
  • Marami sa mga netizens ang nagbahagi ng kanilang karanasan hinggil dito

Noong hindi pa nauuso ang iba’t ibang mga gadgets, paggamit ng internet, social media, at mga online games, isa sa mga paboritong gawin ng kabataan noon ang pagkanta ng iba’t ibang mga nursery rhyme o mga kantang pambata na maririnig mo lamang sa kalye, tulad ng “Nanay–Tatay”, “Asawa ni Marie”, “Penpen De Sarapen”, at marami pang iba.

Isa sa mga tumatak na kanta noon ang “1 plus 1” na hinalaw sa asignaturang Mathematics. Nanumbalik sa alaala ng mga netizens ang pagkanta nito dahil sa ibinahaging Facebook post ng nagngangalang “Rene Seno” sa Facebook page na “Memories of Old Manila”.

Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

Kung ikaw ay batang 70’s, 80’s o 90’s, tiyak na makakasabay ka rito: “1 plus 1, Magellan. 2 plus 2, Lapu–Lapu. 3 plus 3, Christmas Tree. 4 plus 4, Bagong Bapor. 5 plus 5, Voltes V. 6 plus 6, Siksikan. 7 plus 7, Seven Up. 8 plus 8, Chocolate. 9 plus 9, Lucky Nine. 10 plus 10, Ututen.”

Natuwa naman ang mga netizens at hindi napigilang magkomento hinggil dito. May ilang netizen na nagbahagi ng ibang bersyon. Saad ng isa, “Sa amin, ang 6 plus 6 namin ay six million, tapos ang 10 plus 10 namin ay Ovaltine hahaha. Those were the days.”

“May karugtong pa iyan. 11 plus 11, fried chicken. 12 plus 12, 12 o’clock! Hahaha. Magtataka ka noon kung paano ito kumalat eh wala pa namang mga social media noong araw. Wala pang gumagawa ng memes. Amazing ang mga batang 90’s no?”, sabi naman ng isa.

Public Domain Image

Pagbabahagi naman ng isa, “Tandang–tanda ko pa noon, nilalaro namin iyan pagkatapos naming ma–bore sa 10–20 o kaya sa langit–lupa. Napakasimple lamang ng mga laro noon. Karamihan sa kalye. Halos magkakakilala ang mga bata. Ngayon kasi puro gadgets ang hawak ng mga bagets. Hindi naman natin masisi kasi napakainit na rin ng panahon.”

Ikaw, isa ka ba sa mga kumanta nito?

Source :

Facebook

Loading…