Alamin: Pilipinas, nagkaroon talaga ng opisyal na P100,000 at P2,000 paper bills

  • Nagkaroon pala ng opisyal na P100,000 at P2,000 bills ang Pilipinas
  • Inilabas daw ito noong 1998 para sa pagdiriwang ng kalayaan ng bansa
  • Gayunman, na-demonetize na ito ng BSP noong 2019

Kamakailan ay nagbunga ng iba’t ibang reaksyon ang desisyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na gawing barya ang P20 bill upang mas mapatagal sa sirkulasyon ang nasabing pera dahil madali raw masira ang mga papel na bente dahil ito ang pinakagamit na paper bill sa bansa.

Ngunit kung ang bente pesos ang pinakagamit at perang papel na mayroong pinakamababang halaga sa kasalukuyan, mayroon palang mga perang papel sa bansa na mas malaki pa kaysa sa P1,000. Lingid sa kaalaman ng marami ay naglabas pala ang BSP ng banknotes na nagkakahalaga ng P2,000 at P100,000.

Larawan mula sa BSP

Sa isang Facebook post, ibinahagi ng BSP ang inilabas na centennial commemorative banknote noong 1998 na nagkakahalaga ng P100,000. Ito ay bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng ika-100 taong kalayaan ng Pilipinas mula sa mga mananakop .

Hindi lamang ang halaga ng perang papel na ito ang malaki, kung hind imaging ang sukat ng mismong paper bill. Mayroon itong 14 inches na haba at 8 inches na lapad. Kasing laki ito ng isang legal sized na bond paper kaya naman hindi maaaring ibulsa o ilagay sa pitaka. Dahil sa laki ng halaga at sukat nito, minsan rin daw itong napasama sa Guinness book of records.

Noong 1998 din inilabas ang P2,000 bill na bahagi pa rin ng pagdiriwang ng kasarinlan ng Pilipinas. May sukat namang 8 inches na haba at 5 inches na lapad ang P2,000 banknote kung saan makikita ang panunumpa ni dating Pangulong Joseph Estrada sa Barasoain Church sa Bulacan.

Larawan mula sa NHCP

Dahil limited edition ang mga nasabing banknotes, 1,000 piraso lamang ng mga paper bills ang inilabas ng BSP noong 1998. At noong August 1, 2019 lamang ay inalisan na ng halaga ng BSP ang dalawang banknotes. Gayunman, nasa sa may-ari na raw ng mga nasabing banknotes kung ipapapalit nila ang pera o itatago bilang collector’s items na.

Alam din ng BSP na tumataas ang halaga ng mga ganitong uri ng banknote lalo na kung limited edition lamang at hindi permanenteng magiging bahagi ng ating pananalapi. Ayon mismo sa BSP, minsan na raw umabot sa P300,000 ang halaga ng isang P100,000 banknote.

Loading…