Anak ni German Moreno, inilabas na ang listahan ng mga personalidad na kabilang sa “Walk of Fame”

  • May mga panibagong personalidad na naman ang makakasama sa “Eastwood City Walk of Fame”
  • Sila ay sina Kim Atienza, Catriona Gray, Jo Koy, Rachelle Ann Go, Nanette Inventor, Jiggy Manicad, Jun Banaag, Edu Manzano, at Alex Gonzaga
  • Ang listahan ay inilabas ng anak ni German Moreno na si Federico Moreno, president at general manager ng Walk of Fame

Inilabas ni Federico Moreno,  anak ng yuma0ng “Master Showman” na si German Moreno, ang listahan ng mga inductees na personalidad para sa prestihiyosong “Walk of Fame” sa Eastwood, Quezon City bilang pagtalima sa yapak at gawain ng kaniyang ama. Si Federico Moreno ang president at general manager ng Walk of Fame.

Batay sa Facebook post ni Moreno noong Enero 4, 2020, pasok sa listahan ng mga pararangalan sina news anchor Kim Atienza, Jo Koy, at Miss Universe 2018 Catriona Gray for Television, Rachelle Ann Go for Theater, at Nanette Inventor for Music.

Imahe mula sa Facebook account ni Federico Moreno

Nasa listahan din sina GMA News reporter Jiggy Manicad for News and Public Affairs, radio commentator Jun Banaag for Radio, aktor na si Edu Manzano for Movie, at vlogger celebrity na si Alex Gonzaga for social media.

Imbitado naman si Mayor Isko Moreno Domagoso bilang pangunahing pandangal. Samantala, uuwi raw sa Pilipinas mula sa London si Rachelle Ann Go upang tanggapin ang parangal.

Nagbigay naman ng komento rito ang mga netizens. Iba–iba ang kanilang pananaw hinggil dito. Turan ng isa, “Wow, congrats to the new set of inductees. Kaya pala I saw you kanina sa Eastwood, Federico Moreno. Good job!”

Matapang na komento naman ng isa,”Di ko gets ‘yung ilang taon pa lang ang career, nasa walk of fame na. Paano kung sa susunod na taon, malaos na sila? Fame pa rin?”

“No other categories other than these? What about science, academe, politics, etc, etc. Is the walk of fame for popularity only?” tanong naman ng isang netizen.

Imahe mula sa Facebook account ni Federico Moreno

Ang “Eastwood City Walk of Fame” o tinatawag ding “Walk of Fame Philippines” ay ipinadron sa “Hollywood Walk of Fame”, na unang isinagawa noong Disyembre 1, 2005. Matataguan ito sa Eastwood sa Quezon City. Muntik na itong hindi maisakatuparan dahil sa kakulangan sa budget; salamat na lamang kay German Moreno na siyang gumawa ng paraan upang maging matagumpay na ito.

Nang mawala si German Moreno, inanunsyo ng dating mayor ng Quezon City na si Herbert Bautista ang pagpapatuloy at pagpopondo nito, bagama’t laging inuulan ng kritisismo ang proseso ng pagpili sa mga inductees. Ang anak ni German na si Federico Moreno ang nagpatuloy ng gawain ng kaniyang ama.

Ang induction ng mga nabanggit na personalidad ay magaganap sa Enero 12, 2020 sa ganap na 5:30 ng hapon sa mismong Eastwood City Walk of Fame.

Loading…