Another Honesto: Tricycle driver sa Catanduanes nagbalik ng wallet na naiwan ng kanyang pasahero

  • Trending ngayon ang isang tricycle driver mula sa Catanduanes dahil sa katapatang ipinakita nito
  • Ibinalik niya kasi ang pitakang naiwan ng kanyang pasahero sa tricycle na pinapasada niya
  • Maraming netizens ang humanga sa matandang drayber at sinabing karapat-dapat ito sa mas marami pang biyaya

Sa panahon ng social media na madaling kumalat ang mga nakawiwindang na balita, isang malaking biyaya ang makabasa ng mga kuwentong kapupulutan ng inspirasyon at mga balitang nagpapalaganap ng kabutihan ng ilang kababayan natin. Sa ganitong paraan ay nakapagbibigay ito ng aral at good vibes sa maraming netizens.

Kaya naman hindi na nakapagtataka na trending ngayon ang ginawang kabutihan ng isang tricycle driver mula sa Catanduanes. Ibinahagi ng isang netizen ang katapatan ng tricycle driver na hindi nag-atubiling ibalik ang naiwang wallet ng kanyang pasahero.

Larawan mula sa Facebook post ni Amy Romero

Ibinahagi ni Amy Romero sa kanyang Facebook post ang larawan ng tricycle driver na si Cesar Fajardo. Ayon kay Amy, naiwan daw ng kanyang tita ang pitaka nito sa tricycle ng matandang driver. Hindi na raw matandaan ng tita ni Amy ang plate number o body number ng tricycle kaya hindi na niya mahahagilap ang nasakyang tricycle kung sakali.

Ngunit kinabukasan, may tumawag daw kay Amy patungkol sa natagpuang wallet ni Cesar sa kanyang tricycle. Naibalik daw ni Cesar nang buo ang wallet na naging dahilan upang mapanatag ang loob ng kanyang tita. Malaki ang pasasalamat nila kay Cesar na nakikipasada lang pala sa tricycle na ginagamit sa paghahanapbuhay.

“Mr. Cesar Fajardo, taga-San Miguel, Catanduanes. Nakikipasada lang po siya dito sa Virac. Maraming salamat po sir. More blessing to come. Maging huwaran ka po sa lahat at sa kapuwa mo tricycle driver. Ganyan ang mga Catandungan,” sabi ni Amy sa kanyang post.

Larawan mula sa Facebook post ni Amy Romero

Marami ang humanga sa katapatan ng matanda at umani na ng halos 1,300 reactions ang post na ito ni Amy. Mapalad raw ang tita niya dahil nakahanap ng drayber na tulad ni Cesar na handa ring maglaan ng oras upang makapagbigay ng ngiti sa iba. Batid raw nila na kahit gugugol ng oras ang paghahanap sa tunay na may-ari ng wallet, ay hindi pa rin nag-atubiling gumawa ng mabuti ang drayber.

May mga netizens din na humihiling ng mas mabiyayang taon para kay Tatay Cesar. Ayon sa kanila, karapat-dapat ang matanda na makatanggap ng biyaya dahil sa kabila ng pagiging kapos ay hindi pa rin nawawala ang katapatan nito.

Loading…