Aso, masuwerteng nakaligtas matapos makulong ng 15 araw na walang pagkain at inumin sa volcano island

  • Masuwerteng nakaligtas ang asong nakulong ng 15 araw sa isang bahay na nasa v0lcano island
  • Kapansin-pansin ang panghihina ng asong kinilalang si “Idol” matapos matabunan ng abo sa loob ng tahanan ng kaniyang amo
  • Magkahalong saya at lungkot naman ang naramdaman ng may-ari nito na si Jhay-R dahil sa muli nilang pagkikita ng aso at dahil na rin sa hirap na sinapit ng kaniyang alaga

Masuwerteng nahukay ng isang lalaki ang kaniyang alagang aso matapos itong matabunan ng 15 araw sa loob mismo ng kanilang bahay na nasa volcano island o pulo ng Bulkang Taal.

Imahe mula sa Facebook video ni Germie Balba

Sa Facebook noong January 29, ibinahagi ni Germie Balba ang video ng pagkakasagip nila sa aso ng kaniyang kapatid.

“15 days nahukay pa rin ang aso ng kapatid ko. Buhay pa rin kahit walang makain at mainom,” sabi nito sa post.

Sa ulat ng ABS-CBN, kinilala ang nagmamay-ari sa aso na si Jhay-R Balba.

Isa lamang ito sa mga sumubok bumalik sa isla ng Taal upang tignan ang kalagayan ng kanilang mga tahanan at sagipin ang iba pa nilang natitirang mga ari-arian.

Kuwento ni Jhay-R, hindi nito sinasadyang magawi sa bintana ng kanilang bahay. Sa lugar ding iyon siya may narinig na pag-ungol kaya naman agad niyang sinubukang alisin ang makapal na abo at mga kahoy na nakaharang.

Dito na rin niya natagpuan ang alagang aso na si “Idol,” nanghihina at payat na payat matapos makulong sa loob ng 15 araw na walang pagkain at inumin.

Magkahalong saya at lungkot naman ang naramdaman ni Jhay-R dahil sa muli nilang pagkikita ng aso at dahil na rin sa hirap na sinapit ng kaniyang alaga.

Marami namang netizens ang nagpahayag ng kanilang reaksiyon tungkol sa video na in-upload ni Germie sa Facebook.

Imahe mula sa Facebook video ni Germie Balba

“Pakialagaan po si Idol. Kawawa naman. Para siyang naninibago pagkalabas niya kasi madilim sa loob kawawa naman,” pahayag ni NV.

“Haay, I’m so sad. Nakakaiyak buti na lang nakuha [yung] aso para din iyang tao,” ani IMD.

“Siguro po, pinilit din nung aso na mabuhay siya dahil alam niyang babalikan niyo siya. Thank you po dahil hindi niyo pinabayaan ang inyong alaga,” sabi ni GGO.

Sinabi naman ni Jhay-R nasa bahay na nila ngayon si Idol. Nakangiti rin nitong ipinahayag na masigla na muli ang aso matapos mabalik sa kaniyang pangangalaga.

Loading…