Asong labis kung maglakwatsa, nakatikim ng ‘arf arf’ sermon ni lola

Imahe mula sa video ni Lenie Legaspi Abani via Facebook
  • Natuwa ang netizens sa isang aso na mistulang isang taong nakikinig sa kaniyang magulang
  • Pinagagalitan kasi ng isang lola ang asong si Bagani dahil sumosobra raw ito sa paglalakwatsa
  • Hindi naiwasan ng mga netizens na ikumpara ito sa mga tao na hindi nakikinig kapag napagsasabihan ng nakatatanda

Bukod sa pagiging man’s best friend, nakatutulong din ang mga aso sa kaligtasan ng mga tao. Kaya naman ang mga dog lovers, sinisiguradong naibabalik ito kay Bantay sa pamamagitan ng pagmamahal at pagtitiyak din ng kaligtasan ng kanilang mga alagang aso.

Imahe mula sa video ni Lenie Legaspi Abani via Facebook

Isang minamahal na aso ang usap-usapan ngayon sa social media dahil tila ito isang batang napagsabihan ng kaniyang magulang dahil sa sobrang paggala nito.

Ibinahagi ni  Lenie Legaspi Abani ang isang video sa Facebook kung saan makikita ang isang lola na sinesermonan ang asong si Bagani. Mahilig daw kasi itong maglakwatsa at hindi pa namamansin kapag tinatawag na upang umuwi.

Natuwa ang netizens dahil parang taong nakikinig  lamang si Bagani habang nakaupo at tila nagpapasaklolo pa sa kumukuha ng video. “Ikaw, masyado ka ha. Lalabas labas ka ha,” maririnig na sinasabi ni lola habang dinuduro si Bagani at patuloy na sinusuheto. Animo’y naiintindihan niya ang lenggwahe at ang ikinagagalit sa kanya ni lola.

Ang ibang netizens, na-miss daw ang aso nila na hindi na nila kasama ngayon. Sabi ni Diana Z., “Ang galing naman ng aso na ‘yan. Na-miss ko na tuloy si Chuchay love. Three years mahigit ko na siyang hindi nakikita kaya pag nagvi-video call ako sa amin, nakikigulo siya.”

[I-click ang imahe sa ibaba para mapanood ang video.]

I-click ang imahe para mapanood ang video via Facebook

Hindi naman naiwasan ng ilan na ikumpara ang aso sa mga tao kapag nagkakamali.  “Buti pa ang aso tanggap ang pagkakamali niya pero ang tao sumasagot pa minsan nang pabalang at ayaw tumanggap ng payo ng mga nakakatanda,” sabi ni B. Frias.

Ganito rin ang komento ni Emjaye D. “Buti pa yung aso, nakikinig sa pangaral. Ikaw, nasaktan ka na, di ka pa rin natututo,” saad niya.

Sabi ng uploader sa GMA News, hindi nila magagawang magalit kay Bagani pero sana raw dahil sa sermon ni lola ay hindi na muling sosobra sa paglalakwatsa ang kanilang alaga.

Loading…