Audience ni Kyline Alcantara sa pagkanta niya ng ‘Tala’ ni Sarah G: “Linamnam, ulam… linamnam ulam…”

  • Trending ngayon sa social media ang performance ni Kyline Alcantara ng sikat na awitin ni Sarah G na Tala
  • Itinanghal niya ang awitin sa isang New Year’s party sa Philippine Arena at naaliw naman ang audience sa kanya
  • Nakisabay pa ng pag-awit ang mga manonood at nag-mash up ng “linamnam ulam” sa Tala

LSS pa rin ang buong Pilipinas sa danceable song ni Sarah Geronimo na Tala. Marami pa rin ang nag-a-upload ng kani-kanilang dance cover online. Maging mga celebrity ay hindi na rin nagpaawat at nakisabay na rin pinakausong dance hit sa kasalukuyan.

Ang ibang celebrity nga, kinakanta pa ang Tala sa kanilang mga show. Isa sa mga nagtanghal ng Tala ay ang Kapuso teen actress na si Kyline Alcantara. Sa kanyang guesting sa isang New Year show sa Philippine Arena, ipinamalas ni Kyline ang kanyang husay sa pag-awit at pagsayaw.

I-click ang larawan upang mapanood ang video ni Kenneth Gerasmio

Ngunit nag-trending sa social media ang kanyang performance hindi dahil sa kanyang mahusay na pag-awit o pagsayaw. Patok ngayon online ang kanyang rendisyon ng Tala dahil sa mga audience na nakisabay sa kanyang pagkanta sa Philippine Arena na inupload ng netizen na si Kenneth Gerasmio.

Imbes kasi na liriko ng Tala ni Sarah Geronimo, tila nag-mash up ang nakikisabay na audience sa Kapuso actress. Kapag dumarating na sa pamosong linya ng kanta kung saan binabanggit nang paulit-ulit ang katagang Tala, kumakanta ang audience ng “linamnam ulam… linamnam ulam…”

Mula sa isang advertisement ng fast food restaurant na Jollibee ang linyang “linamnam ulam… linamnam ulam…” na inawit naman ni Anne Curtis. Dahil hango sa kantang Tala ang jingle na ito ng Jollibee, maraming netizens ang ginagawang mash up ang awiting iyon ni Anne at Sarah na nadala ng nagkakatuwaang audience sa Philippine Arena.

Noong una, makikita ang natatawang reaksiyon ni Kyline sa pagsabay ng audience sa kanyang kanta. Nagpatuloy ang kanyang pagkanta at nagpunta pa nga sa audience para mas maaliw ang mga ito. Sa bawat daraan ang linya ng kanta, sasabayan naman ito ng “linamnam ulam… linamnam ulam…” ng audience.

Larawan mula sa YouTube video ng GMA Network

Bandang huli, ang natatawang si Kyline ay mismong nakisabay na sa pag-awit ng “linamnam ulam… linamnam ulam…” na lalong nagbigay ng saya sa mga nanonood sa kanya. Maging ang mga netizens ay natuwa sa pagiging game ni Kyline at sa kakulitan ng mga manonood kaya naman umabot na sa 1.9 million ang views ng video. Mayroon na rin itong 126,000 reactions, 10,000 comments, at 80,000 shares.

Ayon sa mga netizens, dahil daw sa viral video na ito, malaki ang posibilidad na si Kyline na ang susunod na endorser ng Jollibee. Ang ilan naman ay hindi na raw maiiwasang maalala ang linamnam ulam song kapag maririnig nila ang Tala ni Sarah G. dahil sa video na ito.

Source :

Facebook, YouTube

Loading…