Bagong dekada, bagong Gilas: Lineup ng Gilas Pilipinas para sa FIBA Asia 2021 qualifiers, inilabas na

  • Inilabas na ng SBP ang 24-man lineup ng bagong Gilas Pilipinas
  • Kinabibilangan ito ng mga beterano at baguhang pangalan sa FIBA tournament
  • Hindi pa naman tukoy ng SBP kung sino ang bagong coach ng Gilas

Hindi maikakailang isang tagumpay ang nakaraang dekada para sa men’s national team ng Pilipinas sa larangan ng basketball. Dalawang beses nag-qualify ang national team na tinawag na Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup, noong mga taong 2014 at 2019. Kaya naman sa pagpasok ng bagong dekada, malaki ang papel na kailangang panatilihin ng national team upang patuloy na mabigyan ng karangalan ang bansa.

At bilang pag-uumpisa ng bagong dekada ng matagumpay na basketball, inanunsiyo na ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang kanilang official lineup para sa gagawing unang bahagi ng qualifying round ng 2021 FIBA Asia Cup.

Larawan mula sa Gilas Pilipinas Facebook page

Malaki ang pagbabago sa official pool of players ng Gilas ngayong taon dahil halo ito ng mga beterano at mga bagong manlalaro ng sports na nakabuo na rin ng kani-kanilang pangalan sa mga ligang sinalihan nila. Pangungunahan ng mga PBA player at dati nang Gilas players na sina Japeth Aguilar, Matthew Wright, RR Pogoy, Kiefer Ravena, Troy Rosario, Ray Parks, Christian Stanhardinger, Thirdy Ravena, CJ Perez, Mac Belo, at Poy Erram ang bagong Gilas pool.

Gumulat din sa mga fans ang pagbabalik ng FIBA World Cup 2014 player na si Mark Pingris na lumiban sa ilang laro ng Gilas dahil sa kanyang natamong injury. Inaasahang ang pagkakasaling muli ng 38 anyos na si Pingris sa lineup ay makapagbibigay ng inspirasyon at aral sa mga bagong manlalaro ng Gilas.

Kasali rin sa 24-man pool ng Gilas ngayong taon ang mga ‘rookie’ sa FIBA qualifying rounds na sina Isaac Go, Matt Nieto, Mike Nieto, Rey Suerte, Jaydee Tungcab, Juan Gomez de Liaño, Javi Gomez de Liaño, Kobe Paras, Allyn Bulandi, Dave Ildefonso, at Justine Baltazar, at Dwight Ramos na nakilala rin sa kanilang sinalihang collegiate leagues.

Kapansin-pansin namang wala sa lineup ang five-time MVP na si June Mar Fajardo na itinuturing na isa sa mga pinakamalalakas na Gilas players sa mga nagdaang taon. Ayon din sa PBA commissioner na si Willie Marcial na wala pang napipiling bagong coach ang Gilas matapos ang serbisyo ni Yeng Guiao.

Larawan mula sa Gilas Pilipinas Facebook page

Inilahad rin ni Marcial na ang pagpili sa 24-man pool ay isinagawa noong Huwebes lamang sa ginawang board meeting ng SBP kasama ang pangulo nitong si Al Panlilio.

Inaabangan na rin ang anunsiyo ng final 12 lineup na maglalaro kontra sa koponan ng mga bansang Thailand at Indonesia na gagawin sa February 20 at 23 sa isang home-and-away format. Sa bagong lineup ng Gilas ay inaasahang muling makapapasok ang bansa sa FIBA World Cup na gagawin sa 2023.

Loading…