Bagong musical variety show ng GMA 7 na ‘All-Out Sundays,’ nahigitan ba ang rating ng ‘ASAP Natin ‘To?’

  • Ipinalabas na noong Enero 5 ang bagong variety show ng GMA 7 tuwing Linggo ng tanghali
  • Ang All-Out Sundays ang pantapat ngayon ng GMA 7 sa musical variety show ng kalabang estasyon na 25 taon nang umeere
  • Hindi naman nagpahuli ang ASAP Natin ‘To na lalong pinabongga ang produksiyon dahil sa “Grand Tala Day” 

Umere na noong Enero 5, 2020, Linggo, ang pilot episode ng All-Out Sundays (AOS) — ang variety show ng GMA 7 na ipinalit sa Sunday PinaSaya.

Naroon pa rin ang ilan sa mga dating mukha na napapanood natin sa Sunday PinaSaya ngunit may mga bagong mukha rin na masusubaybayan tuwing Linggo ng tanghali.

Imahe mula sa Facebook page ng AOS GMA

Maituturing na sina Alden Richards at Julie Anne San Jose ang main cast ng AOS dahil nagsimula ang programa sa dance performance ng dalawa. Nagdiwang din ng kaarawan si Alden sa isang segment ng AOS.

Kabilang din sa mga kapuso stars na nasa spotlight ay sina Rhian Ramos, Ken Chan, Rita Daniela, Mark Bautista, Christian Bautista, Aicelle Santos, Glaiza de Castro, Gabbi Garcia, Derrick Monasterio, Kylie Alcantara, at Rayver Cruz.

Ipinakilala rin ang grupong FTW: Four the Win na binubuo ng apat na babaeng mang-aawit na lumahok sa The Clash na sina Golden Cañedo, Thea Astley, Antonette Tismo, at Jeniffer Maravilla.

Nagpatawa naman sina Glaiza, Aicelle, Kakai Bautista, Paolo Contis, Betong, Super Tekla, Boobay, Lexi Gonzales, at Kim de Leon sa comedy skit segment nitong “Tapsikret.”

Sa kabilang banda, hindi naman magpapatalo ang katapat ng AOS sa kabilang estasyon — ang ASAP Natin ‘To na lalong pinabongga ang production noong Enero 5 dahil nagsilbi itong hudyat sa pagdiriwang ng ika-25 anibersaryo ng programa.

Mga bigating bituin ang katapat ng AOS lalo pa’t special guest ng ASAP si Megastar Sharon Cuneta. Idinaos din ang “Grand Tala Day” kung saan pinangunahan ni Sarah Geronimo ang pagsasayaw ng popular ngayong dance step ng kaniyang awiting “Tala.”

Nakasabay ba ang AOS sa ASAP? Kumusta ang rating ng bagong programa laban sa ASAP na 25 taon na sa ere?

Imahe mula sa Facebook page ng ASAP Official

Ayon sa report ng Pep, ang AOS ay nakakuha ng TV rating na 6.1% habang ang ASAP ay 5.7%. Ito ay batay sa datos ng AGB Neilsen.

Gayunman, ayon sa Kantar Media, ang AOS ay may 9.7% habang ang ASAP ay 11.7% ang rating.

Source :

Pep

Loading…