Mga bakwit, halo-halong emosyon ang naramdaman matapos payagang bumalik sa kanilang bahay

  • Pinayagan nang makabalik sa kanilang bahay ang mga bakwit sa Batangas maliban na lamang sa mga taga Agoncillo at Laurel
  • Ito ay matapos ibaba sa Alert Level 3 mula sa 4 ang Bulkang Taal
  • Kahit gusto nang umuwi ay magkakahalong emosyon daw ang nadarama ng mga bakwit dahil walang kasiguraduhan kung anong buhay ang dadatnan nila

Kahit pinayagan nang umuwi ang ilang mga bakwit sa kanilang mga tahanan matapos ibaba sa Alert Level 3 ang Bulkang Taal ay magkakahalong emosyon daw ang nadarama nila.

Imahe mula sa video ng GMA News via Facebook

Sa ulat ng GMA News, nakausap nila ang ilang mga residente mula sa Batangas na namamalagi ngayon sa Tagaytay Rehabilitation Center. Ang isang nakapanayam nila, masaya raw dahil nahihirapan na sila sa sitwasyon sa evacuation center.

“Hanggang tenga po ang ngiti dahil gustung gusto na po talaga naming umuwi. Siyempre, [dito sa evacuation center], sari-sari na ang nagkakasakit,” sabi niya.

Ang ilan naman, nagdadalawang-isip pa raw dahil gustuhin man nilang umuwi ay hindi sila sigurado kung ano ang daratnan nilang buhay doon. “Kung kami ay makakauwi, masaya naman po. Ang pr0blema naman, wala kaming uuwiang bahay,” sabi naman ng isa pa.

Dalawang linggo matapos ang naganap na phreatic eruption sa Bulkang Taal ay inanunsyo ni Batangas Governor Hermilando Mandanas na maaari nang umuwi sa kanilang bahay ang mga residente maliban na lamang sa mga taga Agoncillo at Laurel.

Imahe mula sa Tagaytay CDRRMO

“Considering the latest advisory of Phivolcs released today, January 26, that the Alert Level has been lowered from 4 to 3, residents of all towns under lockdown except Agoncillo and Laurel now have the option to return to their respective residences or place of work,” sabi ni Gov. Mandanas.

Paliwanag ni Phivolcs director Dr. Renato Solidum, Jr., bumaba at humina na ang aktibidad ng bulkan. Mas kaunting volcanic earthquake na lang din ang kanilang naitala at usok na lang ang lumalabas sa bulkan. Dahil daw dito ay bumaba na ang tyansa na magkaroon ng mapanganib na pagsab0g sa ngayon.

Samantala, may pasok na muli sa mga eskuwelahan sa Tagaytay simula nitong Lunes, Enero 27, 2020.

Loading…