Balikan: 90’s boy bands na Backstreet Boys, Boyzone at Westlife; ano ang paborito mo sa mga ito?

  • Bago ang KPop, minsan munang pinahanga ng mga boy group na Backstreet Boys, Westlife, at Boyzone ang mundo
  • Marami ang napasayaw at naka-relate sa kanilang mga awitin na klasiko nang maituturing sa kasalukuyan
  • Noong 2019 nga, nagtanghal ang tatlong boy groups na ito sa bansa bilang sukli sa pagmamahal ng kanilang Pinoy fans

Sa kasalukuyan, pinapahanga ng mga KPop boy band ang mundo dahil sa kanilang naka-iindak na musika. Ilan sa mga sikat at tinitiliang boy band mula sa Korea ay ang BTS, Big Bang, EXO, Super Junior, at NCT. Maging ang isang boy group na mula sa Pilipinas, ang SB19, ay nag-train din sa Korea na patok din ngayon sa iba’t ibang panig ng mundo.

Ngunit bago ang KPop, minsan munang hinangaan ang musika ng mga boy band mula sa mga kanluraning bansa. Ang mga awitin nila ay talaga namang pumukaw sa damdamin ng maraming tagapakinig at manonood at naging klasikong love songs na hanggang sa kasalukuyan.

Larawan mula sa Facebook page ng Westlife

Tatlo sa mga hinangaang boy bands ay ang Backstreet Boys, Boyzone, at Westlife. Naging popular ang mga bandang ito dahil sa kanilang mga upbeat na kanta na naging paborito ring sayawin sa mga party noon, at mga kantang mellow na bumagay naman sa mga pumapag-ibig at mga nasawi sa kanilang mga minamahal.

Isa sa mga unang sumikat na boy band ay ang Backstreet Boys. Matapos ang kanilang successful debut sa kanilang bansang America, nakarating din sa iba’t ibang panig ng Asya, kabilang na ang Pilipinas, ang kanilang musika. Pumatok sa maraming listeners ang kanilang mga awitin tulad ng Quit Playing Games, As Long As You Love Me, Everybody, at I Want It That Way.

Hindi rin nagpahuli ang Irish boy band na Boyzone. Katulad ng Backstreet Boys, umabot din ang musika nila sa Asya at nagkaroon din ng malaking fan base sa rehiyon kabilang ang Pilipinas. Tumatak sa mga Pinoy ang awitin nila kabilang ang Picture of You na naging theme song ng Mr. Bean movie, All That I Need, No Matter What, at Baby Can I Hold You.  Naging successful naman ang solo career ng miyembro nilang si Ronan Keating at naging coach pa ng The Voice at X Factor sa Australia.

Larawan mula sa Facebook page ng Boyzone

Pinakahuli mang nabuo sa tatlong boy band na tampok, hindi naman nagpahuli ang musika ng Westlife. Binuo ng kilalang record producer at dating American Idol judge na si Simon Cowell, maraming awitin ang pinasikat ng banda lalo na sa Pilipinas. Bahagi na ng buhay ng mga batang 90s ang kanta nila tulad ng My Love, If I Let You Go, Bop Bop Baby, Flying Without Wings, World of Our Own, I Lay My Love On You, at ang revival ng mga klasikong Uptown Girl, Mandy, You Raise Me Up, at I Have A Dream.

Noong 2019, nagpunta ang tatlong bandang ito upang magtanghal. Unang nagpasaya ang bandang Boyzone noong Hunyo para sa kanilang farewell concert. Officially na kasing madi-disband ang Boyzone matapos ang kanilang final tour. Isang anniversary concert naman ang ginawa ng Westlife sa bansa noong Hulyo habang noong Oktubre naman ay pinasaya ng Backstreet Boys ang kanilang Pinoy fans.

Loading…