Balut, penoy, nilagang mani o nilagang itlog ng pugo, ano ang pipiliin mo?

  • Tinanong ng isang Facebook user ang publiko kung ano ang mas pipiliin nila: balut, penoy, nilagang mani o nilagang itlog ng pugo?
  • Ilan lamang ito sa mga pagkaing kalye na paboritong tangkilikin at kainin ng mga Pilipino
  • Kaniya–kaniyang pili naman ang mga netizens sa apat na masasarap na pagkain

Kung pagkaing kalye o street food ang pag–uusapan, maraming maaaring ibida ang mga Pilipino. Kahit na sinasabing marumi o delikado ang madalas na pagkain nito, tinatangkilik pa rin ito ng mga nakararami. Iba ang hatid na pamatid–gut0m nito sa murang halaga lamang, lalo pa’t galing ka sa trabaho, paaralan, o biyahe.

Isa sa mga nangungunang pagkaing kalye na paborito ng mga Pilipino ang balut, penoy, nilagang mani, at itlog ng pugo. Kaya naman, isang nagngangalang Yolanda Nanale ang naghatid ng pagkatakam sa mga netizen sa Facebook page na Memories of Old Manila dahil sa kaniyang Facebook post na nagpapakita apat na uri ng pagkaing kalye.

Tanong niya, “Anong paborito ninyo? Balut, penoy, nilagang mani o nilagang itlog ng pugo?”

Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

Hindi naman nagpahuli ang mga netizens. Kaniya–kaniya sila ng mga gusto. May team balut, may team penoy, may team mani, at team pugo. Sabi ng isang kasapi ng team ay balut, “Syempre balut! Bukod sa masarap na, may sabaw pang kasama. Samahan pa ng maanghang na suka, solve na solve na!”

“Penoy ako. Pwedeng papakin, at pwedeng–pwedeng iulam sa kanin,” sabi naman ng isa mula sa team penoy. Turan naman mula sa team nilagang mani, “Mani tayo! Bukod sa nakatitiyak kang malinis dahil hindi basta nabubulok, may challenge pa sa pagtanggal ng balat nito. Hindi gaanong makalat at malansa.”

Pagtatanggol naman mula sa team pugo, “Mas masarap ang itlog ng pugo. Mas maliliit at mas madaling kainin. Isang subo lang, tanggal–gutom na.”

Subalit may isang netizen naman ang nagsabing lahat ay masarap. “Lahat naman masarap kaya lahat ng iyan, ok na ok sa akin! Huwag lang pagsabayin lalo na sa biyahe at baka sa CR ka dumiretso.”

Public Domain Image

Ang balut at penoy ay parehong itlog ng bibe o pato, subalit ang kinaiba ng dalawa, ang balut ay may kasama ng embry0 o nabuong bibe, samantalang ang penoy ay wala pa. Madalas itong itinitinda tuwing gabi, na masarap kainin na may kasamang asin at suka. Sinasabing bagay na bagay itong kainin ng mga mag–asawa dahil “pampalakas ng tuhod” umano.

Ang nilagang itlog ng pugo naman ay mula sa ibong pugo. Kadalasan, ginagawa itong tokneneng o kwek kwek, na ipiniprito sa nilusaw na harina na may pampakulay na kahel o orange. Itinutuh0g ito sa isang stick at isinasawsaw sa suka o espesyal na sauce. Upang makain naman ang nilagang mani, kailangang tuklapin at alisin ang balat nito upang makain ang nasa loob.

Paalala lamang, walang masama sa mga pagkaing ito, subalit ang anumang sobra o labis ay nakasasama rin sa kalusugan. Kumbaga, hinay–hinay lang!

Loading…