Bantog na ferris wheel sa Sky Ranch Tagaytay, pinailawan na para magbigay ng pag-asa, pasiglahing muli ang turismo

  • Isa ang Sky Ranch sa Tagaytay sa mga apektadong establisimyento sa patuloy na pag-aalburoto ng Bulkang Taal
  • Sinisikap naman ng pamunuan nito na muling manumbalik ang sigla sa bantog na pasyalan
  • Pinailawan na nga nila ang kanilang ferris wheel upang magbigay ng pag-asa sa mga apektadong mamamayan at para sa muling pagpapasigla ng turismo sa Tagaytay

Patuloy na naaapektuhan ang mga mamamayang malapit sa nag-aalburotong Bulkang Taal. Apektado rin ang mga kabuhayan, negosyo, at turismo sa Tagaytay City at sa Batangas.

Isa sa mga popular na pasyalan doon ay ang Sky Ranch Tagaytay na hindi rin nakaligtas sa pagbuga ng abo ng bulkan na pinagtulungan namang linisin ng mga tauhan ng establisimyento.

Imahe mula sa Sky Ranch Facebook page

Nitong gabi ng Enero 17, 2020 ay pinailawan na ang bantog na ferris wheel o ang tinatawag Sky Eye sa Sky Ranch bilang simbolo ng pag-asa sa kabila ng suliraning pinagdadaanan ng mga apektadong mamamayan.

Sa live TV report ng 24 Oras ng GMA 7 noong Enero 17, 2020, ganap na alas-6 ng gabi nang pinailawan na ang lahat ng rides sa Sky Ranch Tagaytay bilang paghahanda sa muling pagbubukas nito.

Ayon pa sa isang panayam ng 24 Oras kay Rachelle Campillanes, marketing officer ng Sky Ranch, nilinaw nito na hindi lamang para sa negosyo ang plano nilang pagbubukas, kundi ang makabalik na rin sa trabaho ang mga manggagawang nangangailangan ng pagkakakitaan.

Dagdag pa ni Campillanes, magbubukas sila upang mapanumbalik din ang sigla ng turismo sa lugar.

Samantala, sa larawang ipinaskil ng Sky Ranch sa kanilang Facebook page, ganito ang nakalagay na caption: “Here’s the Sky Eye at Sky Ranch Tagaytay sending a glimmer of hope to everyone.”

Imahe mula sa Sky Ranch Facebook page

Titiyakin naman ng pamunuan ng Sky Ranch na ligtas ang mga turistang bibisita sa kanila. Hihingi rin sila ng sertipikasyon na magpapatunay na maaari na nga silang magbalik-operasyon.

Ayon naman sa isang report ng GMA News online, humiling na rin ang mga may-ari ng mga restaurant at hotel sa Tagaytay na pabalikin na sila sa operasyon sapagkat ilang araw na rin silang nakasara at malaki na ang kanilang nalugi.

Loading…