Batang nagtitinda ng daing na nag-viral noon, natagpuan ng mga tunay na magulang dahil sa social media

  • Tuloy-tuloy ang biyaya para sa nag-viral na batang nagtitinda ng daing na si Lance
  • Matapos hangaan ng netizens ang kanyang kuwento, ngayon naman ay nahanap na niya ang kanyang tunay na magulang
  • Naging tulay sa kanilang muling pagtatagpo ang viral social media post tungkol sa masipag na bata

Umantig sa damdamin ng mga netizen ang kuwento ng masipag at madiskarteng bata na si Lance.

Sa kanyang murang edad, kumakayod na ito at nagtitinda ng tinapa at daing upang may pambaon sa araw-araw at para makaipon. Bagaman mayroon naman daw kumukupkop kay Lance – na nawalay pala sa kanyang mga magulang, mas pinili raw ng bata na magtinda para naman maging kapaki-pakinabang.

Dahil nag-viral sa social media ang post noon ng netizen na si Jewel Rasha, nakarating sa iba’t ibang panig ng bansa ang kuwento ni Lance, kabilang na ang mga totoong magulang nito.

Sa isang episode ng GMA public affairs show na Wish Ko Lang, sinabi ni Jewel na matapos kumalat ang kanyang post sa Facebook, ay nag-iwan daw ng mensahe ang tunay na pamilya ng bata.

Larawan mula sa Facebook post ni Jewel Rashia

Ilang buwan daw matapos mag-viral ng post, may natanggap daw na mensahe si Jewel mula sa pinsan ng tunay na ama ni Lance. Kalaunan ay nag-iwan na rin ng mensahe kay Jewel ang tunay na ina ni Lance na labis-labis daw ang pasasalamat sa kanya dahil sa kanyang post ay nakita na niya ang matagal nang hinahanap na anak.

Ayon pa sa episode na iyon ng Wish Ko Lang, hiwalay na ang mga magulang ni Lance at naiwan ang noon ay walong buwang gulang na bata sa ama nito. Dahil daw nagtatrabaho ang ama, iniiwan lamang daw ito sa isang kakilala at isang araw daw ay nawala na ang bata.

Napadpad naman si Lance sa kanyang Tita Helen, ang kumupkop sa kanya at itinuring na tunay na ina. Paglilinaw ni Lance, hindi naman siya pinipilit ni Helen na magtrabaho at magtinda. Gusto raw ito ng bata upang makaipon at may pambaon sa araw-araw. Sa katunayan, binuksan pa raw ni Helen ng bank account si Lance kung saan niya inilalagay ang ipon nito mula sa pagtitinda.

I-click ang larawan upang mapanood ang video ng GMA Network

Tanggap naman daw ni Helen ang posibilidad na anumang oras ay maaaring dumating ang tunay na magulang ni Lance na ipinaliliwanag din niya sa 12-anyos na bata. Gusto rin ni Helen na makilala ni Lance ang kanyang mga magulang upang hindi raw nito iniisip ang kanyang tunay na pagkatao. Gayunman, sabi daw ng bata, kahit makilala niya ang mga magulang ay kay Helen daw siya mananatili; ang nagpadama sa kanya ng pagmamahal ng isang tunay na ina.

At sa pagdiriwang ng kaarawan ng bata, nakilala na ni Lance ang kanyang tunay na ina. Isang yakap ang ibinigay nito sa babaeng nagsilang sa kanya. Hindi nagtanim ng anumang poot si Lance sa tunay na magulang. Ramdam niya raw ngayon na napakapalad niya dahil dalawa na ang kanyang ina.

Source :

YouTube, DF News

Loading…