Bayan sa Cavite, may pa-double deck at buffet para sa mga bakwit

Imahe mula sa Facebook | Joshua Capul
  • Isang evacuation center sa Noveleta, Cavite ang sumisiguro sa kaginhawaan ng mga bakwit
  • Nilagyan kasi nila ng mga double deck na may foam ang isang gymnasium na magsisilbing evacuation center ng mga residenteng apektado ng pagput0k ng Bulkang Taal
  • Naghanda rin sila ng buffet style na kainan para sa kanila

Isa sa mga problemang kinakaharap ng mga residenteng tumutuloy sa mga evacuation center ay ang kakulangan ng maayos na matutulugan. Ngunit isang bayan sa Cavite ang gumawa ng paraan upang mabigyan ng komportableng tulugan ang mga bakwit na naapektuhan ng pagsab0g ng Bulkang Taal.

Imahe mula sa Facebook | Bayan Ng Mga Bayani

Sa Facebook page na Bayan Ng Mga Bayani, ipinakita nila ang tabi tabing mga double deck na may malambot na foam na tutulugan ng mga parating na bakwit sa Noveleta. “Sinisiguro na sila ay mamumuhay nang maginhawa. Ganiyan kami tumanggap sa bayan ng Noveleta,” sabi sa post.

Bukod sa mga ito, may video wall pa raw doon kaya’t mistulang nanonood ng sine ang mga residente at may libreng wifi rin.

Hindi rin daw basta basta ang pagkain na ihahain para sa mga nasalantang kapwa Pilipino dahil pinaghandaan din nila ang buffet style na kainan na may mga waiter pa.

Imahe mula sa Facebook | Bayan Ng Mga Bayani

Ang netizen na si Joshua Capul, nagbahagi rin ng mga larawan ng evacuation center na ito. “Dahil matinding usapin ngayon ang dignidad para sa mga evacuees, ito na at nag-level up na tayo! Maraming salamat Mayor Dino Chua of Noveleta, Cavite para sa inyong napaka-sosyal na evacuation center,” aniya.

Mahigit isang linggo na simula nang magkaroon ng phreatic erupti0n ng Bulkang Taal ngunit hanggang ngayon ay nananatili pa rin sa mga evacuation center ang mga residenteng nasa danger zone. Nakataas pa rin kasi ang Alert Level 4 doon na nangangahulugang maaaring mangyari ang hazard0us expl0sive erupti0n sa loob ng ilang oras o araw.

Hindi naman nauubos ang pagdating ng tulong mula sa mga Pilipino sa iba’t ibang panig ng bansa. Kaniya-kaniya silang pamamaraan upang makapag-abot ng tulong sa kanilang kapwa.

Loading…