Best Tala cover: Ina ibinahagi ang Tala dance cover ng kanyang anak na walang isang paa dahil sa karamdaman nito

  • Marami ang naantig sa isang batang babae nang mapanood ang Tala cover nito sa Facebook
  • Wala na kasing isang paa ang bata na kinailangan daw tanggalin dahil sa karamdaman nito
  • Marami ang humanga sa bata dahil sa kabila ng pinagdaraanan nito ay positibo pa rin ang kanyang pananaw

Naglipana pa rin sa social media ang iba’t ibang dance cover ng trending na kanta ng Asia’s Popstar Royalty na si Sarah Geronimo na Tala.  Matapos ang ginawang National Tala Day sa ASAP Natin ‘To nitong Linggo, maraming kababayan natin ang lalong na-LSS sa awitin.

Ngunit sa kabila ng pagkaaliw ng mga Pinoy sa nasabing kanta, isang inspirasyon naman ang umusbong matapos mag-viral ang dance cover ng isang batang babae na walang isang paa. Ayon sa ina ng bata na nag-upload ng video, kinailangan daw putulin ang paa nito dahil sa isang karamdaman.

I-click ang larawan upang mapanood ang Facebook video ni Gem Tabudlong

Trending ngayon sa Facebook ang video na inupload ni Gem Tabudlong kung saan makikita ang anak niyang sumasayaw ng Tala. Proud na proud ang inang si Gem sa ipinamalas na angking husay sa pagsayaw ng anak kahit wala na ang isang paa nito.

“Disability does not hinder one’s passion. You’re still the best dancer my unica hija! I love you so much Princesa ko. Kapit lang “ANAK’ ng mahigpit aabutin natin ang mga tala,” sabi ni Gem sa kanyang post kung saan makikita ang video ng 9 anyos na anak na si Tania Bless.

Kinailangang putulin ang kanang paa ni Tania dahil sa kanyang karamdamang osteosarc0ma o isang uri ng kanser sa buto. Sa isang post pa ni Gem, sinabi nito na kahit wala na ang kanang paa ng anak ay buong-buo pa rin ang loob nito na lumaban para gumaling. Kitang-kita ito sa mga larawang ini-upload ng ina dahil nananatili ang mga ngiti ni Tania sa kabila ng kalagayan. Sa kasalukuyan ay sumasailalim pa rin sa chem0therapy si Tania.

Agad na nag-viral sa social media ang video ni Tania. Umabot na sa higit 493,000 views ang kanyang Tala dance cover at nagkamit din ng 40,000 reactions at 19,000 shares. Sabi ng mga netizens, isa ito sa best Tala covers na kanilang napanood sa social media.

Larawan mula sa Facebook video ni Gem Tabudlong

Akmang-akma raw kasi sa pinagdaraanan ni Tania ang mensahe ng awitin dahil sa ipinapakitang tatag ng loob ng bata ay hindi malabong makamit niya ang inaasam niya. Inspirasyon din si Tania sa nakararami na maging positibo ang pananaw sa buhay anuman ang kinakaharap natin.

Hiling din ng maraming netizens na sana ay mapansin din ni Sarah Geronimo ang munti niyang fan na lalong magpapalakas ng loob ni Tania upang mapuksa ang kanyang karamdaman at tuluyan nang gumaling.

Loading…