Boses ni Ash sa Tagalized version ng anime na Pokemon, mula sa isang babaeng dubber at DJ

  • Babae pala ang boses sa likod ng tauhang si Ash sa Tagalized version ng anime na Pokemon
  • Ang dubber na si DJ Kara ang nagbigay kulay sa tauhan ni Ash na sinubaybayan ng marami sa atin
  • Maliban kay Ash, marami pang anime characters na binosesan si Kara na ibinahagi niya sa kanyang vlog

Bahagi ng kabataan ng marami sa atin ang panonood ng anime. At isa sa mga pinakasinubaybayan ay ang paglalakbay nina Ash at Pikachu ng Pokemon. Simula nang ipalabas ito sa Pilipinas noong 1999 ay naging bahagi na ito ng pamumuhay ng maraming Pilipino at sinusubaybayan pa rin ang Pokemon journey ng mga tauhan ng tanyag na anime.

Ngunit sa kabila ng tagumpay ng anime series sa Pilipinas, lingid sa kaalaman ng marami na ang nagboboses sa karakter na si Ash ay hindi isang lalaki. Binibigyang kulay ng tinig ng DJ at voice talent na si Klariz Laurelle Magboo o mas kilala bilang  DJ Kara ang katauhan ni Ash sa Tagalized version ng Pokemon.

I-click ang larawan upang mapanood ang video ni DJ Kara

Ayon kay DJ Kara, napasok lamang siya sa mundo ng dubbing dahil mayroon siyang isang kaibigang dubber din. Nagkaroon siya ng interes sa pagda-dub kaya naman nag-audition siya para sa role ni Ash. Inaral niya raw maigi ang emosyon ng karakter ni Ash, kung paano ito magsalita, at ang pagkontrol sa boses niya upang maging boses batang lalaki.

Bagaman hindi alam ng karamihan na siya ang boses sa likod ni Ash, may mga avid fan naman daw ng anime na nakikilala siya bilang dubber sa anime na Pokemon. Sa katunayan, maliban sa kanyang pagiging mahusay na DJ, ay isa na raw si Ash sa naging tatak niya sa kanyang mga fans.

Isa ring vlogger si Kara kung saan niya ibinabahagi ang kanyang mga karanasan bilang isang voice talent at pagiging DJ. Isa nga sa most watched videos niya sa kanyang vlog ay ang pa-sample niya ng mga boses ng tauhan na ginampanan niya.

Maliban kay Ash, narinig na rin ang boses ni Kara bilang si Heidi ng Heidi: Girl of the Alps, Buttercup ng Powerpuff Girls Z, Chi-chi o ang asawa ni Son Goku ng Dragon Ball Z, at Lambo ng cartoons na Reborn. Maliban sa anime, nagboboses din si Kara sa mga Koreanovela at Mexicanovela.

Larawan mula sa YouTube video ni DJ Kara

Habang isinusulat ang balitang ito, may halos tatlong milyong views na ang video na iyon ni Kara. Marami naman ang natuwa kay Kara dahil nostalgic para sa marami ang mga tauhang binigyan niya ng boses. Siyempre, marami din ang napatanong ng ‘siya pala yun’ nang mapanood ang patikim ni Kara.

Sa kasalukuyan ay DJ si Kara ng 106.7 Energy FM. Ngunit bago ito, nakilala rin siya bilang si Kara Karinyosa sa radio station na Love Radio. Sandali rin siyang naging Dabarkads sa longest running noontime show na Eat Bulaga.

Loading…