Caballo Island, Fort Magsaysay maaaring gawing quarantine areas sa mga Pilipinong ibabalik sa bansa mula China

  • Marami ang nagsasabi na hindi agad umaksiyon ang gobyerno upang mapigilan sana ang paglaganap ng 2019 novel coronavirus (nCoV) sa Pilipinas
  • Gayunman, nagpaplano na ang gobyerno sa kung ano ang mga dapat gawin at unahin upang hindi na lumala ang sitwasyon
  • Kabilang sa mga planong ito ang pagkakaroon ng mga quarantine areas na pagdadalhan sa mga maaapektuhan ng nCoV

Malaking hamon sa ating gobyerno ang pagpaplano at paglutas sa mga suliraning kakaharapin ng mga Pilipino sa mga susunod na araw matapos opisyal na maianunsiyo ang unang kaso ng coronavirus (nCoV) sa Pilipinas.

Imahe mula sa Pixabay

Dagdag pa rito ang delayed na pagpapasya ni Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa travel ban ng mga Chinese at iba pang foreigners na magmumula sa Hubei Province sa China. Sa Hubei matatagpuan ang Wuhan kung saan nagmula ang nCoV.

Isa rin sa mga dapat paghandaan ay kung paano matutulungan o masasagip ang mga Pilipinong nasa China na nais bumalik sa Pilipinas.

Sa kabutihang-palad, kahit paano ay may plano na ang ating gobyerno kaugnay sa problemang ito.

Ayon sa GMA News, kinokonsidera ng gobyerno ang Caballo Island at Fort Magsaysay upang gawing quarantine areas para sa mga PIlipinong pauuwiin sa ating bansa mula sa China.

Subalit ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, sinusuri na ang dalawang lugar ngunit wala pang pinal na desisyon ukol dito.

Ang Caballo Island ay matatagpuan sa entrada ng Manila Bay habang ang Fort Magsaysay naman ay nasa Nueva Ecija.

Dagdag pa ni Lorenzana, naghahanap ang gobyerno ng lugar na may mga isolated na gusali.

Samantala, hiniling ng Department of Health na agad lawakan ang travel ban at huwag lamang magpokus sa Hubei sa oras na may bagong kaso o impormasyon ukol sa nCoV.

Imahe mula sa Wikipedia (Ramon FVelasquez)

Nakatakda namang makipagpulong sa susunod na linggo si Pangulong Duterte sa mga eksperto sa medical at mga piling opisyal ng gobyerno upang talakayin at planuhin ang mga dapat gawin upang maiwasan ang paglala ng sitwasyon.

Ang hindi agad na pag-aksiyon ng gobyerno, lalo na sa travel ban, ay tinutuligsa ng maraming Pilipino.

Source :

GMA News, CNN

Loading…