Catriona in the making? 12 anyos na beauty queen mula sa Nueva Ecija, title holder sa isang international pageant

  • Isang 12 anyos na beauty queen ang unang nag-uwi ng isang international title para sa bansa ngayong 2020
  • Itinanghal na Little Queen of the Ramp Universe 2020 si Angel Kim Sarmiento mula sa Nueva Ecija
  • Kasama pa niya ang dalawang batang beauty queen na naging runner up din ng nasabing pageant na ginanap sa Malaysia

Sinasabing isang beauty pageant powerhouse ang Pilipinas dahil sa madalas nating pagkakapanalo sa mga patimpalak sa pagandahan. Ilan nga sa mga kinikilalang beauty queens mula sa Pilipinas ay ang Miss Universe na sina Catriona Gray at Pia Wurtzbach, isama pa ang Miss World na si Megan Young at ang Reina Hispanoamericana na si Winwyn Marquez.

At ngayong 2020, isang magandang buena mano ang iniuwi ng isang 12 anyos na beauty queen mula sa Nueva Ecija. Itinanghal kasi bilang Little Queen of the Ramp Universe 2020 si Angel Kim Sarmiento na ginawa sa Sabah, Kota Kinabalu, Malaysia.

Larawan mula sa Facebook page ng Nueva Ecija’s Glamour Model

Makikita sa isang video sa Facebook account ng beauty queen mula sa Santo Domingo, Nueva Ecija, ang kanyang naging pag-rampa sa nasabing pageant suot ang kanyang pink na long gown. Sa murang edad ay kitang-kita ang husay niya sa pagdadala ng kanyang damit na nagpamangha sa mga manonood.

Marami ring nakapanood sa kanyang video at sinasabing malaki ang potensyal nito na maging pambato rin ng kanyang lalawigan sa malalaking mga pageant tulad ng Binibining Pilipinas at Miss Universe Philippines, at maging kinatawan sa international pageants pagdating ng wastong gulang.

May mga nagsasabi rin na malaki ang pagkakahawig ng kanyang paglalakad ang signature lava walk ni Miss Universe 2018 Catriona Gray. Hindi naman na ito nakapagtataka dahil sa Facebook account ni Angel Kim, vocal ang dalagita na idolo niya nga si Catriona.

Nag-uwi si Angel Kim ng isang tropeo at korona mula sa pageant na ginawa noong Enero 4. Kasabay na ginawa ng nasabing pageant ang coronation din ng Mrs. Tourism Ambassador Universe.

Larawan mula sa FB Page ng Santo Domingo, Nueva Ecija

Nakatanggap naman ng pagbati si Angel Kim mula sa local na pamahalaan ng Santo Domingo, Nueva Ecija dahil sa pagbibigay nito ng parangal sa kanilang munisipalidad at sa buong Pilipinas na rin. Naging kinatawan na rin kasi si Angel Kim ng malaking modeling pageant sa kanilang rehiyon na Central Luzon: The Ultimate Model Kid’s Edition.

Kasama rin ni Angel Kim ang dalawa pang dalagita na taga-Nueva Ecija na lumaban sa kaparehong pageant. Pinalad rin ang dalawa na mag-uwi ng karangalan. Top 3 sa national costume si Edlene Pascual at 4th runner up, habang 1st runner up naman si Ehra Denise Alcantara kasama ang best in Evening Gown Award.

Loading…