Childhood favorites: Ilang sikat na anime characters, official ambassador ng 2020 Tokyo Olympics

  • Ambassador ng darating na 2020 Tokyo Olympics ang ilang anime characters na napamahal sa mga manonood
  • Kabilang sa mga ito ang tauhan mula sa Dragon Ball Z, Sailor Moon, One Piece, Yokai Watch, at Naruto
  • Bilang ambassadors, kasama rin ang mga anime characters sa official merch ng 2020 Olympics

Isa sa mga naging malaking pagkakakilanlan ng bansang Japan sa buong mundo ay ang mahusay nilang paglikha ng mga animated series na kalaunan ay kinilala bilang anime. Nabighani ang maraming manonood at naging malaking bahagi na ng kanilang pamumuhay ang pagkahumaling sa mga anime na patuloy na sinusubaybayan at minamahal hanggang sa kasalukuyan.

At ngayong gaganapin ang inaabangang Olympics sa Tokyo, Japan, ilan sa mga kinuha nilang ambassador ay ang mga anime characters na naging tanyag sa iba’t ibang bansa. Batid ng organizers na kung gagamitin nila ang mga naturang anime characters ay mas madali nilang mahihikayat ang mga ito na makiisa sa gagawing malaking sporting event.

Larawan mula sa Facebook page ng Olympic Channel

Sa inilabas na video ng Olympic Channel sa kanilang Facebook account, ipinakilala nila ang siyam na anime characters mula sa siyam ding anime series na pinagkaguluhan sa buong mundo. Pinangungunahan ito ni Sailor Moon na sikat pa rin hanggang ngayon kahit inilunsad noong 1992 pa.

Kabilang din ang mga astig na tauhan mula sa mga action-packed anime series sa mga official ambassadors. Nariyan sina Son Goku ng Dragon Ball series, Luffy ng One Piece, at Naruto. Di rin naman pahuhuli ang mga cute na cute na characters na sina Shin Chan, Ji Banyan, Astro Boy, Cure Miracle at Cure Magical ng Pretty Cure.

Bilang mga official ambassador ng Tokyo 2020 Olympics, kasama sa mga official merchandise ng sporting event ang mga nasabing anime characters. Ibinebenta na ngayon sa Tokyo Olympics official online shop ang mga t-shirt, keychains, cap, fan, mugs, cups, tote bag, lunch box,  pouch, towel, at maging panyo.

Larawan mula sa Facebook page ng Olympic Channel

Hindi ito ang unang pagkakataon na lumabas sa Olympics ang isang sikat na tauhan mula sa mundo ng animation ng Japan. Noong 2016 Rio Olympics, lumabas si Prime Minister Shinzo Abe bilang si Super Mario noong closing ceremony at opisyal na turnover ng pagiging host country.

Maliban sa mga anime characters, mayroon ding official mascot ang 2020 Olympics na si Miraitowa na larawan daw ng moderno at tradisyonal na kultura ng Japan. Mayroon na ring official mascot ang Paralympics na gaganapin din sa Japan na tinawag nilang si Someity. Gagawin ang 2020 Tokyo Olympics sa Hulyo 24 hanggang Agosto 9.

Loading…