Chinese na may nCoV nasa San Lazaro Hospital, ospital nagpatupad ng “no face mask, no entry” policy

  • Bong Go sinabing nasa San Lazaro Hospital ang pasyenteng nagpositibo sa nCoV
  • Nagpatupad ang San Lazaro Hospital ng “no face mask, no entry” policy
  • Hindi palalabasin ng ospital ang pasyente hangga’t hindi tuluyang nagnenegatibo ang lahat ng laboratory tests nito upang masigurong hindi na siya makahahawa sa iba

Kunumpirma ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go na ang babaeng Chinese national, ang unang kaso sa bansa na nagpositibo sa novel coronavirus (nCoV), ay kasalukuyang ginagamot sa San Lazaro Hospital sa Sta. Cruz, Maynila.

Imahe mula s Philippine Hospitals & Clinics

Sinabi ni Sen. Bong Go, ang chairman ng Senate Committee on Health, na nakausap niya si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque, III tungkol sa kalagayan ng pasyente mula sa Wuhan City, Hubei Province sa China.

“Kani-kanina lamang ay nakausap ko si Sec. Francisco Duque III. Ngayon po ay nasa San Lazaro Hospital daw itong pasyente,”  anang senador.

“Contained naman ito at pinapangalagaan ito ng ating health officials at doctors. Nasa 14 day period of quarantine ang patient at ginagamot na siya. Importante ay hindi ito makahawa ng iba,” dagdag pa niya.

Ang nasabing pasyente na mula sa Wuhan City ay bumiyahe sa Hong Kong bago nagtungo sa Pilipinas. Pagdating sa bansa ay nagtungo siya sa Cebu at Dumaguete bago lumipad patungo sa Maynila.

Ayon kay Ferchito Avelino, DOH Epidemiology Bureau director, inaalam nila kung sinu-sino ang mga taong nakasalamuha ng pasyente sa loob ng eroplano at mga lugar na pinuntahan nito.

Imahe mula sa PCOO

“After getting the flight details, we will identify the co-passengers and we are also looking at establishments where they stayed so the employees who had contact with the patient can be advised to undergo mandatory quarantine and observe if they are manifesting symptoms of the infection,” ani Avelino.

Samantala, mahigpit ngayong ipinatutupad ng San Lazaro Hospital ang “no face mask, no entry” policy matapos makumpirma na nagpositibo sa nCoV ang pasyenteng nasa pangangalaga ng ospital.

Imahe mula sa Radyo La Verdad

Obligado na ang lahat ng empleyado ng hospital na magsuot ng face mask bilang proteksyon.

Siniguro naman ng DOH na hindi nila palalabasin ng ospital ang pasyente hangga’t hindi tuluyang nagnenegatibo ang lahat ng laboratory tests nito upang masigurong hindi na siya makahahawa sa iba.

Loading…