Chinese national na mino-monitor sa San Lazaro Hospital kung kinapitan ng nCoV, yumao na

  • Isa sa 24 PUI na binabantayan sa San Lazaro Hospital para sa nCoV infection, yumao na
  • Isang Chinese national mula sa Yunnan, China ang pasyente
  • Kinumpirma ng San Lazaro Hospital ang pagyao ng pasyente, pero hindi pa kumpirmado kung dahil ito sa nCoV

Isa sa dalawampu’t apat na “patients under investigation” para sa novel coronavirus o nCoV ang diumano ay yumao sa SanLazaro Hospital sa Maynila, ayon sa isang opisyal ng pagamutan.

Imahe mula sa Webbline

Ipinahayag ni Dr. Edmundo Lopez, ang director ng San Lazaro Hospital, na ang biktima na isang 29-year-old Chinese national mula sa Yunnan sa China, ay yumao dakong alas-siyete ng umaga nitong Miyerkules, ika-29 ng Enero. Diumano, noong Lunes, ika-27 ng Enero nang isinugod sa ospital ang nasabing pasyente.

Binigyang-diin ni Dr. Lopez na hindi kumprimado kung may nCoV ang Chinese national. Pulmonya umano ang sanhi ng pagyao nito. Nagpositibo rin ang pasyente sa dalawang HIV tests na isinagawa sa kanya.

“Early this morning around 7 a.m., we have person under investigation, hindi pa confirmed for nCoV, na namatay. He was admitted last Monday,” pahayag ni Dr. Lopez sa isang media briefing.

Sinabi  pa ni Dr. Lopez na ang mga samples o specimen na kinuha sa pasyente ay naipadala na sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa Alabang, Muntinlupa City para sa inisyal na pagsusuring gagawin kung apektado ito ng nCoV.

“Specimens have been taken. May test na natira ang RITM for detection of coronavirus,” ani Dr. Lopez.

Screenshot mula sa video ng News5

Iba-ibang sintomas daw ang nakita sa pasyente nang ipasok ito sa San Lazaro Hospital.

“The patient was seen with varying symptoms upon admission. Meron s’yang mga cervical lesions, mga kulani, meron s’yang lung findings na rin, basically payat ‘yung pasyente, and tinest s’ya for HIV — screening test positive,” anang doktor.

Sa kabila ng pagyao ng pasyente, sinabi ni DOH Undersecretary Rolando Enrique Domingo na isasailalim pa rin ito sa pagsusuri kung may nCoV.

“Ite-test pa rin natin. So far, all the tests show another disease process. Kaya lang since meron siyang travel from China and nagkaroon s’ya ng signs of fever, ite-test pa rin natin just to make sure, ani Usec. Domingo.

Loading…