Christian Standhardinger, nakuha ang kanyang unang Best Player of the Conference award sa PBA

  • Best player of the conference ang Filipino- German na si Christian Standhardinger
  • Natalo niya ang iba pang PBA players tulad nina June Mar Fajardo, Kiefer Ravena, at CJ Perez
  • Si Allen Durham naman ng Meralco Bolts ang itinanghal na best import

Naging makulay ang Governor’s Cup ng Philippine Basketball Association (PBA) para sa Filipino-German player na si Christian Standhardinger. Sa kalagitnaan kasi ng conference na ito noong 2019, na-i-trade si Standhardinger sa ibang koponan. Mula sa pagiging first over-all draft ng San Miguel Beermen noong 2017, ipinalit siya kay Moala Tautuaa ng NorthPort Batang Pier.

Ang paglipat ni Standhardinger sa NorthPort ang nagsilbi nilang lucky charm upang makapasok sa semifinals ng komperensya mula sa pagiging ikawalo sa standings. Tinalo nila ang number one seed team na NLEX Road Warriors na twice-to-beat sa quarterfinals.

Larawan mula sa PBA

Ito rin ang isa sa mga naging dahilan upang tanghaling best player of the governor’s cup si Standhardinger sa unang pagkakataon simula nang sumali siya sa professional league. Nagkaroon ng average performance ang 30 anyos na si Standhardinger na 22.7 points, 12.8 rebounds, at 4.0 assist.

Tinalo niya ang iba pang PBA standouts na sina CJ Perez ng Columbian Dyip, dating teammate sa San Miguel Beermen na si June Mar Fajardo, Jayson Castro ng TNT KaTropa, at Kiefer Ravena ng NLEX Road Warriors. Nagpasalamat naman si Standhardinger sa kanyang mga bagong kasamahan sa bagong koponan na NorthPort na dalawang beses pa lamang nakapasok sa semis sa PBA.

Ayon sa best player of the conference, malaki ang pasasalamat niya sa mga kasamahan dahil sa pagbibigay sa kanya ng magandang posisyon sa team na naging dahilan upang makuha niya ang unang solo award sa kanyang batang PBA career.

Larawan mula sa Instagram account ni Christian Standhardinger

“I really appreciate my teammates. They put me in a great position. It was so much fun last conference to play with them and fight with them,” pahayag niya sa pagtanggap ng kanyang parangal.

Samantala, nakuha naman ng import ng Meralco Bolts na si Allen Durham ang best import award. Natalo niya sa award na ito na si Justin Brownlee, reinforcement ng kalabang koponan na Brgy. Ginebra San Miguel. Ginawa ang awarding sa game 4 ng Governor’s Cup finals sa pagitan ng Bgry. Ginebra at Meralco Bolts.

Source :

PBA, ABS-CBN News

Loading…