Comeback na, reunion pa: John Lloyd Cruz, balik sa paggawa ng pelikula, makakasama ang ex na si Shaina Magdayao

  • Magbabalik na sa pagbibida sa pelikula ang award-winning actor na si John Lloyd Cruz
  • Makakasama pa niya rito ang kanyang dating nobya na si Shaina Magdayao
  • Wala pa namang opisyal na play date ang nasabing pelikula na ididirehe ni Lav Diaz

Hindi lamang mga bagong TV show ngayong 2020 ang inanunsiyo ng broadcast giant na ABS-CBN. Maging ang mga ipalalabas nilang digital movie at series sa kanilang streaming platform na iWant at ang mga pelikulang ilalabas ng movie outfit nilang Star Cinema ay ipinasilip na rin sa isang teaser plug ng Kapamilya network.

Isa sa mga gumulat sa mga manonood ay ang isang pelikulang nakatakdang pagbidahan ng nasa hiatus na si John Lloyd Cruz. Matapos ang halos tatlong taong pagtanggi sa paggawa ng malalaking proyekto, bibidang muli si John Lloyd sa isang pelikula na kinabibilangan din ng mahuhusay na pangalan sa larangan ng pelikula.

I-click ang larawan upang mapanood ang video ng ABS-CBN

May pamagat na Servando Magdamag ang comeback movie ni John Lloyd na ididirehe ng internationally acclaimed director na si Lav Diaz. Hango raw ang pelikula sa maikling kuwentong isinulat ng tanyag na manunulat na si Ricky Lee.

Ito na ang pagbabalik ni John Lloyd sa pagiging lead role sa isang pelikula simula noong 2017. Ang huling pelikula niya bilang bida ay ang Finally Found Someone  kasama ang Popstar Royalty na si Sarah Geronimo. Nagkaroon naman si John Lloyd ng cameo sa Metro Manila Film Festival entry na Culion na ipinalabas noong 2019.

Ngunit nadoble ang excitement ng fans ni John Lloyd dahil bukod sa pagbabalik niya sa showbiz ay magsisilbi rin nila itong reunion ng kanyang ex-girlfriend na si Shaina Magdayao. Nakita ng fans sa teaser na inilabas ng ABS-CBN na magkakasama sina Lloydie at Shaina sa pelikula.

Larawan mula sa ABS-CBN

Naging magkarelasyon sina Shaina at John Lloyd sa loob ng dalawang taon ngunit nauwi rin sa hiwalayan noong 2012. Bagaman nasa iisang istasyon lamang ang dalawa, hindi na nagkaroon ng pagkakataon na magkasamang muli ang dalawa hanggang sa anunsiyong ito ng ABS-CBN.

Malaking dahilan daw ng muling pagkakasama nina John Lloyd at Shaina sa pelikulang ito ang director na si Lav. Nakatrabaho na kasi ni John Lloyd si Lav sa pelikulang Hele sa Hiwagang Hapis noong 2016 at si Shaina naman ay nakagawa ng pelikulang Ang Hupa ni Lav noong 2019.

Loading…