Congresswoman nabiktima ng basag-kotse sa loob ng SM City mall parking lot

  • Rep. Niña Taduran nabiktima ng basag-kotse
  • Naganap ang insidente sa loob mismo ng parking lot ng SM City Sta. Mesa
  • Pinag-aaralan ng mambabatas kung ano ang maaaring ikaso laban sa shopping mall at security agency nito

Dismayado ang isang partylist representative matapos mabiktima ng basag-kotse gang sa loob mismo ng parking lot ng isang malaking shopping mall sa Quezon City.

Screenshot mula sa GMA video

Natangay ng mga kawatan ang cash, gadgets at mga personal na gamit na may kabuuang halagang abot sa mahigit P240,000 mula sa kotse ni ACT-CIS Representative Niña Taduran noong Lunes, ika-6 ng Enero.

Ayon sa spot report ng pulisya, kabilang sa mga natangay mula sa lady solon ay isang government-issued laptop, isang iPhone 11 Pro Max, dalawang cellphone chargers, isang Chanel gold necklace, isang one gold pendant, ATM cards, at cash na $500 at P5,000.

Salaysay ni Rep. Taduran, ipinarada ng kanyang mga kasama ang kotse sa 3rd level ng parking lot ng SM City Sta. Mesa sa Aurora Boulevard, Quezon City matapos siyang ibaba sa Malacañang para dumalo sa signing ng 2020 National Budget.

Kumain sa loob ng mall ang mga kasama ng mambabatas ngunit pagbalik sa sasakyan ay nakita nilang basag na ang salamin ng bintana sa likod ng driver’s seat.

Nagpahayag ng pagkadismaya si Rep. Taduran sa pamunuan ng SM City Sta. Mesa dahil sa kapabayaan. Wala umanong rumorondang security guard at wala ring CCTV camera sa bahagi ng parking lot kung saan naganap ang insidente.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Tayo po ay mag-ingat sa lahat ng oras, sapagkat wala na pong sinisino ang mga masasamang loob. Maging mapagmasid, mapagbantay at maging alisto sa lahat ng oras at sa lahat ng lugar,” mensahe ni Taduran na ipinost sa social media.

Kasunod ng pangyayari, sinabi ni Taduran na maghahain siya ng House Resolution upang mapaimbestigahan ang mga katulad na pangyayari sa shopping malls upang makagawa ng batas na magbibigay ng proteksyon sa mga mall goers.

Pinag-aaralan din ng mambabatas kung ano ang maaaring ikaso laban sa shopping mall at security agency nito.

Screenshot mula sa GMA video
Source :

Facebook, ABS-CBN

Loading…