Dingdong Dantes at Antoinette Taus, muling nagkasama sa isang TV show matapos ang ilang taon

  • Feeling nostalgic para sa ilang fans ang muling pagsasama nina Dingdong Dantes at Antoinette Taus
  • Napanood kasi sila sa docu-science show ni Dingdong sa Kapuso Network na Amazing Earth
  • Pinag-usapan nila rito ang adbokasiya ni Antoinette na makatulong sa kalikasan 

Bawat henerasyon ay mayroong kinilalang sikat na love team. Bago pa dumating ang JaDine, KathNiel, AlDub, LizQuen, at iba’t ibang sikat na tambalan ng makabagong henerasyon, isa munang tambalan sa telebisyon at pelikula ang tinilian lalo na ng mga batang 90s — ang love team nina Antoinette Taus at Dingdong Dantes.

Una silang napanood sa sikat na youth oriented show noong late 90s at early 2000s na TGIS. Pumatok sa masa ang kanilang tambalan sa nasabing palabas at nauwi pa nga sa totoohanan ang kanilang relasyon. Gayunman, nagkahiwalay din ang dalawa at nagkaroon ng kanya-kanyang buhay sa loob at labas ng showbiz.

Larawan mula sa video ng GMA Network

At matapos ang mahabang panahon, muling nagkasama ang ex-couple na sina Dingdong at Antoinette para sa isang TV show. Sa pagkakataong ito, hindi para pakiligin ang mga fans nila kung hindi para magbigay ng kaalaman tungkol sa kanilang mga adbokasiya sa pangangalaga sa Inang Kalikasan.

Ipinalabas sa unang episode ng docu-science show ni Dingdong na Amazing Earth ang panayam niya sa dating nobya na si Antoinette na isa na ngayong lider ng isang non-government organization (NGO) na naglalayong sugpuin ang polusyon sa bansa.

Naitampok sa programa ang organisasyon ni Antoinette na Communities Organized for Resource Allocation (CORA) na naglalayong matulungan ang kalikasan at mga indigenous people na mamuhay nang mapayapa at mayroong malinis at sustainable na kapaligiran. Sunod-sunod ang mga proyektong cleanup drive ng CORA na naging tulay upang mapansin din ng iba pang malalaking samahan ang mga proyekto ni Antoinette.

Larawan mula sa Instagram account ni Antoinette Taus

Isa sa mga nagbigay ng suporta sa CORA ay ang United Nations (UN) Environment Programme kung saan itinanghal pa si Antoinette bilang goodwill ambassador nito. Sa kanyang tungkulin bilang ambassador, nakatungo na rin siya sa iba’t ibang bansa sa Southeast Asia upang magbigay ng talumpati upang makaiwas sa plastic pollution.

Kahit tungkol sa kalikasan at adbokasiya ang usapan nina Dingdong at Antoinette sa palabas, maraming netizens pa rin ang kinilig na makita silang magkasamang muli. Komento nga sa isang YouTube video, naalala niya raw kung gaano kasikat ang dalawa noon nang minsang magpunta ang tambalan sa isang mall.

Ayon sa netizen, dahil daw dinumog sina Dingdong at Antoinette ng mga tao sa mall sa Pampanga, nasira pa raw ang isang glass na harang dahil sa tulakan ng mga taong gusto silang makita at makamayan.

Loading…