Divisoria, malinis na iniwan ng mga vendors bago salubungin ang bagong taon

  • Divisoria, nilinis ng mga vendors bago sumapit ang Bagong Taon
  • Ang mga basura ay maayos na nakasalansan sa gilid ng mga kalsada upang madaling kolektahin
  • Ilang garbage trucks ang naglibot sa Divisoria para hakutin ang mga basura

Malinis at walang bakas na dinagsa ng mga mamimili ang Divisoria ilang oras bago sumapit ang Bagong taon.

Imahe mula sa Manila PIO

Matapos maubos ang mga mamimili ay sinigurado ng mga vendors na malinis nilang iiwan ang kanilang pinagtitindahan upang salubungin ang taong 2020.

Ang mga karton, kaing at styrofoam na pinaglagyan ng mga naubos na paninda ay makikitang maayos na nakasalansan sa mga gilid ng kalsada para mas madaling mahakot ng garbage truck na nag-iikot sa buong Divisoria.

Ang mga street sweepers at mga vendors ay nagtulong-tulong sa pagwawalis ng mga basura sa kalsada.

Sa mga ibinahaging larawan ng Manila Public information Office ay makikitang hapon pa lang ay malinis na ang Juan Luna Street dahil wala nang mga vendors at mamimili. Taliwas ito sa mga nagdaang taon na hanggang gabi ng bisperas ng Bagong Taon ay napakarami pa ring mga nagtitinda at mamimili.

Sa Sto Cristo Street, tapat ng Divisoria Mall, makikita ang gabundok na mga nakasakong basura at mga styrofoam na pinaglagyan ng prutas na nakasalansan nang maayos.

Imahe mula sa Manila PIO

Malinis rin ang kalsada kung saan matatagpuan ang dalawang popular na shopping malls sa Divisoria – ang 168 Shopping Mall at 999 Shopping Mall – na maagang nagsara noong araw na iyon.

Matatandaang pinayagan ni Manila Mayor Isko Moreno ang mga vendors na makapagtinda sa piling lugar sa Divisoria sa kondisyong susundin ng mga ito ang patakaran ng city government tulad ng hindi paglampas sa itinakdang laki ng puwesto at maayos na pagtatapon ng mga basura.

Kayang-kaya naman pala, basta tulong-tulong. Sana ay palagi na ito!

Imahe mula kay Bernadette Reyes via Facebook

Loading…