DOH umapela ng mga donasyong portalets para sa mga evacuation centers

  • DOH nananawagan sa private sectors na mag-donate ng portalets
  • Nais rin ng DOH na magpatayo ng mga palikuran sa mga evacuation centers
  • Plano ni Pangulong Duterte na magpatayo ng maraming permanent evacuation centers na magagamit sa oras ng kalamidad

Isinusulong ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III ang konstruksyon ng mga palikuran sa mga evacuation centers na tinutuluyan ng mga naapektuhan ng Taal Volcano kasabay ng panawagan sa private sectors na mag-donate ng mga portable toilets (portalets) upang mapanatili ang kalinisan.

Imahe mula sa MindaNews

 

Ang panawagan ng kalihim ay kasunod ng napaulat na kaso ng diarrhea sa ilang evacuation centers.

Sa kasalukuyan ay umabot na sa tinatayang 87,000 ang bilang ng mga evacuees na nasa 271 evacuation centers kung saan lumalala ang mga alalahanin hinggil sa kalusugan.

“Sanitation is what I keep on hammering on, the construction of latrines. ‘Yung portalets kasi ang mahal e. Medyo, it’s quite prohibitive but we are appealing for, even the private sector, to also send portalets,” ani Sec. Duque.

“We appeal to them, in the spirit of bayanihan and corporate social responsibility of the very progressive private sector entities, it’s a good time to share their resources,” dagdag pa ng kalihim.

Hindi bababa sa P60,000 ang presyo ng isang bagong portalet batay sa isang online shopping site, samantalang P2,000 naman kada araw ang renta sa isa nito. Mas makakamura kung marami ang rerentahan.

Imahe mula sa Shopee

Ayon pa kay Sec. Duque ang konstruksyon ng mga palikuran ang long term solution para sa pagpapanatili ng kalinisian sa mga evacuation centers.

“Yung iba namang evacuation centers gaya ng mga paaralan ay may mga sariling banyo so nakakatulong ‘yun pero in the end, we’re really looking at building latrines,” aniya.

Samantala, ipinahayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na nakatakdang bumisita sa mga evacuation centers si Pangulong Rodrigo Duterte sa ika-20 ng Enero.

Ani Panelo, nais ng Pangulo na magpatayo ng maraming permanent evacuation centers na magagamit sa oras ng mga kalamidad. May sapat naman umanong pondo para sa mga nasabing istruktura.

Imahe mula sa Municipal government ng Gerona, Tarlac

Loading…