DOLE bibigyan ng emergency employment ang mga Taal eruption evacuees

  • Senator Sonny Angara , nanawagan sa DOLE na bigyan ng trabaho ang mga residenteng apektado ng Taal
  • Nag-alok ang DOLE ng 6,000 jobs sa ilalim ng Government Internship Program nito
  • 600 na interns ang itatalaga sa bawat isa sa sampung lugar na lubos na naapektuhan ng kalamidad

Kaugnay ng panawagan ni Senator Sonny Angara sa Department of Labor and Employment (DOLE) na bigyan ng trabaho ang mga apektado ng Taal Volcano eruption, nag-alok ang ahensya ng emergency employment sa 6,000 evacuees.

Imahe mula sa PNA

Bilang chairman ng Finance Committee na nagsagawa ng pag-aaral sa 2020 General Appropriations Act, sinabi ni Sen. Angara na may P120 million na pondong magagamit ang DOLE upang bigyan ng ayuda ang mga naapektuhan ng Taal.

“The impact of the eruption of Taal Volcano is wide-ranging. Most of the affected families have lost everything, including their livelihood and it is the obligation of the government to provide them with support during times like these,” sabi ng senador.

Kaugnay nito, nagpahayag ang DOLE na maglalaan ang ahensya ng P72.6 million upang mag-hire ng 6,000 interns sa ilalim ng Government Internship Program nito.

Ayon  kay DOLE Secretary Silvestre Bello III, 600 na interns ang itatalaga sa bawat isa sa sampung lugar na apektado ng kalamidad kabilang ang Lemery, Mataas na Kahoy, Agoncillo, Laurel, Talisay, Taal, San Nicolas, Balite, San Jose, at Sta. Teresita.

Imahe mula sa PRC

Layon ng programa na mabigyan ng pansamantalang hanapbuhay ang mga apektadong residente at matulungan din ang mga nabanggit na local government units sa rehabilitasyon ng kanilang komunidad.

Ang mga interns ay magta-trabaho sa loob ng 30 days at bibigyan ng sweldong P12,050 na katumbas ng umiiral na minimum daily wage sa rehiyon.

Ayon naman kay DOLE Assistant Secretary Dominique Tutay, nakipag-pulong na ang ahensya sa mga alkalde ng sampung bayan sa Batangas na lubos na naapektuhan ng Taal.

Imahe mula sa Bombo Radyo

“Actually nagpulong po tayo sa mga mayor ng 10 mostly affected na bayan sa Batangas at sinabi po natin na ‘yung mga naapektuhan mismo o kaya ‘yung mismong nandoon sa centers nila, puwede po nilang kunin ‘yung mga ‘yon as interns para makatulong po doon sa ating pagre-rehabilitate at pagko-coordinate, pagbibigay ng tulong doon sa mga apektado,” ani Asec. Tutay.

Bukod sa internship program, mayroon ding emergency employment para naman sa paglilinis ng mga evacuation centers.

Loading…