Embahada ng China, nagalit sa isang pahayagan sa Denmark dahil sa ginawa sa kanilang bandila

  • Humihiling ng public apology ang embahada ng China sa Danish newspaper na “Jyllands-Posten”
  • Ginawang “coronavirus particles” ng naturang pahayagan ang limang bituing simbolo sa bandila ng China
  • Nanindigan naman ang pamunuan ng pahayagan na wala silang intensyong masama sa kanilang ginawa

“Public apology” ang demand ng embahada ng China sa Danish newspaper na “Jyllands-Posten” matapos nitong gawing particles ng coronavirus ang limang dilaw na bituin sa satirical cartoon version ng bandila ng China.

Ayon sa pahayag ng embahada ng China, gusto umano nilang humingi ng dispensa ang pahayagang Jyllands-Posten at ang Danish artist na si Niels Bo Bojesen sa mga Chinese people dahil sa ginawa nilang “katatawanan” ang kanilang pambansang bandila na may caption pang “Coronavirus”, sa Monday edition nito.

Public Domain Image

“Without any sympathy and empathy, it has crossed the bottom line of civilized society and the ethical boundary of free speech and offends human conscience,” saad ng embahada noong Martes. Enero 28, 2020.

Hindi ito ang unang beses na naireklamo ang naturang pahayagan. Noong 2005, nagpuyos ang damdamin ng mga Muslim sa buong daigdig matapos maglathala ang Jyllands-Posten ng satirikal na dibuho ni Propeta Mohammad. Siya ang kinikilalang banal na propeta ng relihiyong Islam.

Samantala, nilinaw naman ng editor-in-chief nito na si Jacob Nybroe na wala silang masamang intensyong paglaruan o gawing katatawanan ang kalagayan ngayon sa China, lalo pa’t hindi biro ang outbreak ng 2019 Novel Coronavirus sa naturang bansa.

“We cannot apologize for something that we don’t believe is wrong. We have no intention of demeaning or mocking the situation in China and we don’t think the drawing does that,” saad ni Nybroe.

Buo naman ang suporta ng mga Danish officials para sa kanilang pahayagan. Wala raw karapatan ang China para utusan ang Jyllands–Posten.  Isa na rito si Conservative Party leader Soren Pape Poulsen na naglabas pa ng Twitter post hinggil dito.

Public Domain Image

Nagmula umano ang 2019 Novel Coronavirus sa isang pamilihang nagbebenta ng mga wild at exotic animals upang gawing pagkain  na matatagpuan sa Wuhan, China. Kilala ang mga Chinese sa pagkain ng mga exotic delicacies tulad ng ahas, palaka, pagong, paniki, at marami pang iba.

Loading…