Exotic ulam ng mga Bikolano na “kinunot”, sarap ay nanunuot

  • Natakam ang mga netizens sa ibinahaging larawan ng isang “exotic dish” sa Bicol
  • Ito ay tinatawag na “kinunot”
  • Ang kinunot ay ginataang karne ng pating o pagi

Kilala ang mga Bikolano sa mga pagkaing may gata o tinatawag na “ginataan”. Mula sa mga karne, gulay, at sea food, talaga namang patok sa mga Pilipino ang ginataan.

Isa sa mga hindi masyadong kilalang lutong gata ng karamihan, subalit patok na patok sa panlasang Bikolano ang “kinunot”, isang exotic ulam na ang pangunahing sangkap ay karne ng pating o pagi, na nilalangkapan ng maraming sili. Kaya naman, natakam ang mga netizens sa ibinahaging mga larawan ng Facebook user na nagngangalang “Carlos Dave” sa Facebook page na “Memories of Old Manila”.

Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

Batay sa caption ng Facebook post, “Exotic dish of Bicol Region ‘Kinunot’. Ginataan na Pating, Ginataan na Pagi.
Mas masarap kung maanghang–anghang! Extra rice please.”

Hindi naman naiwasan ng mga netizens na magkomento hinggil dito. Sabi ng isa, “Nakakain na ako niyan. Napakasarap! Lalo na ang pagi.”

“The best magluto niyan yung nasirang tiyahin namin. Siguro minana ang galing ng mga anak. Pero matagal na akong hindi nakakain nito,” kuwento naman ng isa.

Turan naman ng isa, “Sarap niyan, kaso bawal na kasing magkatay at bumili ng pating at pagi. Gustong–gusto ko ang mga luto ng mga Bikolano lalo na sa gata tapos medyo maanghang, makakalimutan mo na nagda–diet ka pala. Hello po sa mga kababayan na taga Bicol.”

Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

Ngunit paano nga ba iluto ang kinunot? Kung hindi available ang pating o pagi, maaari namang ipalit dito ang iba pang isda, tulad ng tanigue. Kumpletuhin ang mga sangkap gaya ng sibuyas, bawang, luya, siling pangsigang, siling labuyo, gata, malunggay, suka, asin, tubig, paminta, at mga kasangkapan sa pagluluto.

Para naman sa mga hakbang, magpakulo ng tubig sa kaserola. Kapag kulo na ang tubig, ilagay ang isda at luya sa loob ng 10 minuto. Pagkatapos, palamigin ang isda.

Kapag malamig na ang isda, tanggalin ang balat nito at ihiwalay ang karne. Ilagay ang karne ng isda sa isang bowl. Lagyan ito ng mga pampalasa gaya ng suka, asin, paminta, at bawang. Painitin sa katamtamang apoy ang isang nakabukod na kaserola, ilagay ang kakang gata at sibuyas. Haluin ito sa loob ng tatlong minuto.

Samantala, i–drain naman ang sinangkapang tubig na nakababad sa isa. Ilahok ang karne ng isda sa kakang gata. Muli itong pakuluan hanggang sa matuyo ang tubig, saka ilagay ang malunggay, siling pangsigang, at ang unang katas ng gata. Hayaan itong kumulo. Kapag luto na, maaari na itong ihain kasama ang mainit na kanin.

Loading…