Ganda ng Pilipinas: Larawan ng Bulkang Mayon at katutubong Ifugao, nanalo sa photography contest sa Germany

  • Wagi sa isang photography contest sa Germany ang dalawang larawang kuha sa Pilipinas
  • Ito ay mga larawang kuha sa Bulkang Mayon at sa lugar ng mga Ifugao sa Cordillera
  • Kuha ang mga larawang ito ng isang sikat na photographer na nagtatrabaho rin para sa Department of Tourism

Nang nagbiyaya raw ang Diyos ng ganda ng kalikasan, maraming nasalo ang Pilipinas. Nariyan ang kinikilalang isa sa mga wonders of nature na Palawan Underground River, ang paboritong tourist attraction sa Boracay, at marami pang ibang atraksiyon na dinarayo ng mga turista.

At muling napatunayan ang ganda ng Pilipinas nang manalo sa isang photography contest sa Hamburg, Germany ang larawang kuha sa Pilipinas kung saan makikita ang aktibong Bulkang Mayon, kasama ang isang retrato ng tribong Ifugao sa Cordillera.

Larawan mula sa PR- Bild

Naiuwi ni Pre-Andre Hoffman ang unang puwesto sa 2019 PR- Bild Awards o PR- Photo Awards sa kategoryang tourism. Naging entry ni Hoffman ang larawan ng takipsilim kung saan kita ang Bulkang Mayon. Ayon sa website ng PR- Bild, tinawag ang larawan na “Volcanic Life/ It’s More Fun in the Philippines.”

Sa ibang kategorya naman na Stories and Campaign Catrgory, nagwagi rin si Hoffman ng ikatlong puwesto sa kuha niyang kita ang kuha ang isang tradisyonal na kubo ng mga Ifugao na tinawag niyang “Ten generations under one roof/ It’s More Fun in the Philippines.”

Kinikilala ng photography contest na PR- Bild Awards ang paggamit ng pagkuha ng larawan sa iba’t ibang uri ng publikasyon at larangan ng media at communication. Mayroon itong anim na kategorya na kinabibilangan ng portrait, NGO, social media, tourism, lifestyle, at stories and campaign.

Larawan mula sa PR- Bild

Si Hoffman ay kinikilala sa larangan ng photography maging sa kanyang pagmamahal sa kalikasan. Isa rin siyang brand ambassador, resource speaker, educator, at isa ring consultant ng Department of Tourism na katuwan niya sa pagpapasa ng mga larawan sa prestihiyosong photography contest. Nakabase rin si Hoffman sa Makati City at sa bansang Norway.

Maraming mga kababayan naman natin ang natuwa sa karangalang ito ni Hoffman na nagtatampok ng kagandahan ng bansa. Ang panalo raw na ito ni Hoffman ay lalong magpapaganda sa turismo ng bansa na umuunlad taon-taon. Marami raw ang magnanais ngayon na masilayan ang ganda ng bansa, partikular na ang Bulkang Mayon at ng Cordillera.

Loading…