Halina’t bumalik sa nakaraan, lulan ng “tranvia” na makalumang sasakyan

  • Naghatid sa nakaraang paraan ng transportasyon ang mga lumang larawan ng tranvia
  • Ito ay namamaybay sa tramway sa Kalakhang Maynila na pinatatakbo ng mga kabayo noong panahon ng mga Espanyol, at dahil sa modernisasyon, ng makina at kuryente
  • Dito umano galing ang konsepto ng LRT at MRT sa kasalukuyan

Mahilig ka bang sumakay sa PNR, LRT o MRT? Alam mo bang noong panahon ng mga Espanyol sa Pilipinas ay may sarili na silang bersyon nito?

Napalulan at napabalik sa nakaraan ang mga netizens sa ibinahaging Facebook post ng isang Facebook user na nagngangalang “Joel” sa Facebook page na “Memories of Old Manila” na nagpapakita ng isa sa mga makalumang “tren” noong panahon ng mga Espanyol sa Pilipinas. Ito ay ang “tranvia” na pinatatakbo ng mga kabayo.

Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

Ayon sa caption, “Before electric tram, LRT or MRT rolled on tracks over the streets of Manila, we had tranvias. The first tranvias appeared somewhere in 1890’s. They were passenger carriages which were being pulled by horses that ran on tracks around Manila.”

Napamangha naman ang mga netizens sa mga larawang kanilang nakita. Marami sa kanila ang nagkomento na mapanumbalik sana sa kasalukuyan ang mga tranvia. Turan ng isa, “What a wonderful time to be alive. Life seemed very simple then, environment was clean and beautiful!”

“Will be nice to recreate them to go around tourist spots in Manila,” mungkahi naman ng isa.

Noong 1878, namamaybay na ang mga tranvia na hila ng mga kabayo sa kahabaan ng Maynila. Sa tranvia nakasakay ang mga pasahero na may mga upuan at may bubong bilang pananggalang sa sikat ng araw o ulan, kahalintulad ng mga bagol ngayon. Ito ay namamaybay sa tramway o daang riles. Ganito ang sistema hanggang 1902.

Public Domain Image

Sa pagpasok ng mga Amerikano sa bansa, naging moderno na rin ang mga tranvia. Nawala sa eksena ang mga kabayo dahil pinagana na ang mga ito sa pamamagitan ng makina at kuryente, sa pangunguna ng Manila Electric Railrod and Light Company o kilala bilang MERALCO. Nawala ang paggamit ng mga tranvia dahil sa WWII.

Makalipas ang halos 40 taon, ang konsepto ng tranvia ay muling naipanumbalik sa konsepto ng Light Rail Transport o LRT sa panahon ng panunungkulan ni Pangulong Ferdinand Marcos. Sa kasalukuyan ay patuloy itong ginagamit, at nadagdagan pa ng MRT o Metro Rail Transit na patuloy na tinatangkilik ng mga Pilipinong pasahero bilang isa sa mga pangunahing daluyan ng transportasyon sa bansa.

Loading…