Halina’t tikman mo ang paksiw na bisugo

  • Natakam ang mga netizens sa mga ibinahaging larawan ng paksiw na bisugo
  • Masarap itong pantanggal–umay sa matataba at mamantikang pagkain noong Pasko at Bagong Taon
  • Sa pagluluto ng paksiw na bisugo, kinakailangan ng mga sumusunod na sangkap: ang nilinis na isda, kalahating ginayat na bawang, hiniwang mga luya, sibuyas, sakapat na suka, tubig, mantika, paminta, at asin

Sa pagtatapos ng pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon, tiyak na marami sa atin ang “naumay” na sa masasarap, matataba, at mamantikang pagkain tulad ng spaghetti, ham, lechon, lechon belly, barbecue, at marami pang iba. Kaya naman ang iba, bumabalik sa mga pagkaing simple lamang ngunit swak sa panlasa.

Kaya kung puro karne ang kinain mo noong Noche Buena at Media Noche, puwes, mag–isda ka naman! Natakam ang mga netizens sa ibinahaging Facebook post ng nagngangalang “Alfredo Racho” sa Facebook page na “Memories of Old Manila.

Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

Ayon sa kaniyang caption, “Pagkatapos ng pagkain ng mga mamantika at makolesterol na baboy, baka at manok dahil sa Pasko at Bagong Taon, ito po naman ang subukan natin, paksiw na bisugo. Sa iba po, salmonete tawag nila.”

Nakaramdam ng pagkatakam ang mga netizen kaya hindi nila napigilang magkomento hinggil dito. Bulalas ng isa, “Nakakagutom naman iyan! Namiss ko iyan sa Pilipinas. One of my favorite dishes. Basta paksiw, masarap!”

“Wow, medyo matinik nga lang iyan, pero napakasarap ng paksiw na bisugo. Actually lahat naman ng paksiw na isda, masarap talaga,” saad naman ng isa.

Sa pagluluto ng paksiw na bisugo, kinakailangan ng mga sumusunod na sangkap: ang nilinis na isda, kalahating ginayat na bawang, hiniwang mga luya, sibuyas, sakapat na suka, tubig, mantika, paminta, at asin. Isama na rin ang kaserola at sandok na gagamitin sa pagluluto.

Public Domain Image

Ilagay sa kaserola ang ginayat na luya at sibuyas sa pinainit na mantika. Pagkatapos, ilagay ang inayos at nilinis na isdang bisugo kasama ang tubig at suka. Ibudbod ang paminta at asin. Takpan at pakuluan ng ilang minuto, at kapag nangamoy na ang suka, ito ay maaari nang ihain kasama ang mainit na kanin.

Oh ano, natakam ka ba?

Loading…