Heroes of Taal: Magkakaibigan, nadisgrasya matapos maghatid ng tulong sa mga lumikas na kababayan

Imahe mula sa Facebook | Darwin Lajara, Rio John Abel, at Maximino Alcantara III
  • Itinuturing ngayon na mga bayani ang magkakaibigan na sinamang-palad na nadisgrasya matapos maghatid ng tulong at donasyon sa San Jose, Batangas
  • Pauwi na sana ang tatlong lalaki nang biglang mabangga ng isang trailer truck ang kanilang sasakyan
  • Bumuhos ang pakikiramay sa social media para sa naiwan nilang kapamilya

Pauwi na sana mula sa evacuation center sa Batangas matapos maghatid ng tulong sa mga naapektuhan ng pagsab0g ng Bulkang Taal ang magkakaibigan na sina Rio John Abel, 22, Maximino Alcantara III, 22, at Darwin Lajara, 26 nang bumangga ang kanilang sasakyan sa isang trailer truck sa San Jose, Batangas 1:30 a.m. noong Martes.

I-click ang imahe para mapanood ang video via Facebook

Agad daw na binawian ng buhay sina Abel at Alcantara habang si Lajara naman daw ay bumigay na habang ginagamot sa ospital Miyerkules ng umaga.

Umulan ng pakikiramay sa social media para sa mga tinatawag nilang modern day heroes. Ang kanilang kaibigan na si Merril Patrick Cobarrubias, nagbahagi ng mga larawan kasama ang mga kaibigan kalakip ang mahabang mensahe na umaalala sa kanilang mga magagandang pinagsamahan.

Labis ang kaniyang pagdadalamhati dahil hindi lang daw kaibigan kundi mga kapatid na rin ang turing niya sa tatlo. Si Lajara, may binitawan pa raw noon na mga kataga na hindi niya akalain na magkakaroon ng kakaibang ibig sabihin ngayon.

“Hanggang sa huling araw bago ang aksidente, nagkasama pa tayo. ‘Sasama kahit saan makarating,’ salitang binitawan mo noong magkakasama na kayo na akala ko ay wala lang pero isa kang tunay na kaibigan. Sana lang hindi mo ginawa sa ganyang paraan,” aniya.

Imahe mula sa video ng GMA News via Facebook

Samantala, sa panayam ng GMA News sa ina ni Alcantara, sinabi niyang likas na matulungin ang kaniyang anak.

Sa katunayan, hindi raw ito nagdalawang-isip na magpaabot ng paunang tulong sa mga kababayan niyang lumikas sa mga apektadong lugar at tumutuloy muna sa San Jose. “Ang hirap tanggapin. Doon ako nahirapan kasi araw-araw kong kasama tapos mababalitaan mo na naaksidente,” sabi ng kaniyang ina.

Nagsasagawa na ng imbestigasy0n ang pulisya upang alamin kung ano ang sanhi ng insidente. Tumanggi nang magbigay pa ng pahayag ang pamilya ng dalawa pang lalaki.

Loading…