High school alaala: Ano ang nakasulat sa mga patpat sa likod ng pamaypay mo noon?

  • Nagbigay ng maraming alaala ang isang pamaypay na in-upload sa Facebook
  • Madalas kasing sinusulatan ng mga high school students ang likod ng kanilang pamaypay
  • Nakasulat dito ang pangalan ng kanilang mga kaibigan at ang pangalan ng kanilang barkada

Maliban sa mga alaala na may kinalaman sa mga aralin nina ma’am at sir sa loob ng klasrum, maraming mga kaganapan at mga aktibidad bilang mga estudyante ang lalong nagpasaya sa ating mga panahon sa eskwela. Karamihan sa mga ito ay mga alaalang hanggang ngayon ay masarap balikan dahil nabuo rito ang mga pagkakaibigang pangmatagalan.

Isa sa mga gawain ng karamihan sa mga high school students noon ay ang pagdadala ng pamaypay. Panlaban kasi ito sa init sa loob ng klasrum lalo na ang mga nag-aaral sa pampublikong eskwelahan na hindi naka-aircon. Nabibili ang mga pamaypay na ito sa labas ng paaralan sa murang halaga.

Larawan mula sa Facebook account ni Romilyn Hingada

Ngunit kahit mumurahin lamang ang mga pamaypay na ito, itinuturing itong yaman ng mga mag-aaral noon. Hindi lang kasi ito pampapresko sa pakiramdam kapag mainit ang panahon, kung hindi nagsisilbi ring ‘listahan’ ng isang pagkakaibigang hindi malilimutan.

Mayroon kasing maliliit na espasyo sa patpat na nagpapatibay sa mga pamaypay. At ang mga espasyo na ito ay nagsisilbing sulatan at listahan ng pangalan, alyas, at paboritong numero ng magbabarkada.

 Sa isang Facebook post ng netizen na si Romilyn Hingada, ipinakita niya ang kanyang pamaypay kung saan nakasulat ang mga pangalan ng kanyang mga kaklase na kanya ring bestfriends noong siya ay nasa grade 9 o third year high school.

Larawan mula sa Shopee

Maraming netizens ang naka-relate sa pamaypay ni Romilyn dahil noong sila ay high school, ganito rin daw ka-decorated ang kanilang pamaypay. May pangalan ng mga kabarkada, mayroon din pangalan ng kanilang barkadahan, at ang iba nga ay mayroon ding pangalan ng mga tambalan sa kanilang klasrum.

May mga netizen din na kalalakihan na umamin na mayroon silang dalang ganitong pamaypay noon. At mayroon ding mga nakasulat na pangalan sa mga patpat na nasa likod ng kanilang pamaypay. May iba naman na hanggang ngayon ay ‘di malimot na lagi silang nawawalan ng pamaypay. Kapag daw kasi hiniram ito, hindi na nakababalik sa kanila.

Memories, memories!

Loading…