Hugot? Matapos ianunsiyo ng Jollibee na aalisin na nila ang ‘Champ,’ Big Mac ng McDonald’s, ibinidang hindi sila mang-iiwan

  • Tila may pasaring ang fast food giant na McDonald’s sa katunggali nitong Jollibee
  • Kaugnay ito ng anunsiyo ng Jollibee na ipe-phase out na nila ang kanilang Champ burger
  • Nag-post naman ang McDo na ang kanilang Big Mac ay hindi raw mang-iiwan at mananatili sa kanilang stores

Naging bahagi na ng kontemporaryong kultura ng mga Pilipino ang hugot. Ito ay mga damdaming inilalabas sa pamamagitan ng pag-ugnay ng mga bagay na karaniwan namang nararanasan sa mga mas malalalim na isyu o pinagdaraanan. Sa ganitong paraan, nailalabas din ng marami sa atin ang pagiging malikhain.

Kalaunan, ang hugot ay nagagamit na rin sa propesyonal na larangan tulad ng marketing. Sa katunayan, isang fast food giant nga ang mayroong hugot tungkol sa pag-phase out ng katunggaling kainan ng kanilang burger variant.

Larawan mula sa McDonald’s

Ibinahagi ng Facebook page ng McDonald’s Philippines ang larawan ng kanilang Big Mac at sinabing narito raw ang burger upang mag-stay. Ito ay sa kabila ng pag-aanunsiyo ng Jollibee na tatanggalin na nila sa kanilang menu ang Champ. Sabi pa ng McDo, ang isang tunay na klasiko raw ay hindi dumarating sa punto na kailangan na itong i-phase out.

“A true classic never phases out. Get a Big Mac now at McDonald’s,” sabi ng Facebook post na umani ng 51,000 reactions na karamihan ay ‘Haha,’ 6,700 comments, at 26,000 shares.

Mabentang-mabenta naman ang marketing strategy na ito ng McDo sa mga netizens. Marami sa kanila ay na-gets agad ang gustong ipahiwatig ng post ng fast food restaurant. Marami rin ang naka-relate sa kanilang ‘Here to Stay’ campaign at iniugnay ito sa dating karelasyon ng ilang netizens. Sigaw nila, sana all daw ay nananatili.

“Ay wow. May pag-atake! Hahaha. Pero tama yan, McDo. Sana all nags-stay. Sana lahat hindi nang-iiwan,” hugot ng isang netizen.

Larawan mula sa Facebook page ng Jollibee

Gayunman, hindi lahat ng netizens ay positibo ang reaksyon sa naging hugot ng McDo sa kanilang post. Naging lunsaran din kasi ito ng opinyon ng mga netizens upang iparating sa pamunuan ng fast food restaurant ang kanilang hinaing tungkol sa Big Mac. Maliit na raw ang serving ng kanilang Big Mac kaya parang nawala na rin daw ang tunay na klasikong Big Mac.

May ilan namang social media users na tina-tag ang iba’t ibang Facebook pages ng mga kilalang fast food at burger stand upang maglabas din ng kanilang official hugot tungkol sa pag-phase out ng Champ. Hinihintay daw nila ang opinyon ng Burger King,  Minute Burger, maging ang pang-masang brand na Angel’s Burger.

Loading…