Ilang aso, nag-enjoy sa larong pabitin na inihanda ng kanilang amo noong Bagong Taon

  • Trending ngayon sa Facebook ang  video ng mga aso na naglalaro ng pabitin
  • Marami ang naaliw dahil parang mga bata ang mga aso na masayang nakikiagaw sa pabitin
  • May mga netizens na nakakuha raw ng ideya sa gagawing palaro para sa kanilang mga alaga

Isa sa mga kinaaaliwang bahagi ng mga birthday party ay ang pabitin. Sa larong ito, maraming treats tulad ng pagkain at laruan ang nakasabit sa ilang bahagi ng kahoy o kawayan na ibababa at itataas at pag-aagawan at pilit na aabutin ng mga bata ang mga premyong nakasabit.

Ngunit sa isang viral Facebook post, makikita na hindi lamang mga bata ang maaaring maaliw sa tradisyonal na larong ito. Maging mga alaga nating aso ay maaari ding makipag-agawan ng premyong nakasabit sa mga kahoy at i-enjoy ang kanilang makukuha.

I-click ang larawan upang mapanood ang video ni Jhun Rapisura Ablaña

In-upload ng netizen na si Jhun Rapisura Ablaña ang video ng anim nilang aso na game na game na naglaro ng pabiting inihanda nila noong Bagong Taon. Tulad ng mga bata, nakaabang din ang mga aso sa treats na nakasabit at ang ilan ay masiglang umagaw ng pagkain mula sa pabitin.

Mayroon namang ilang aso na tila hindi interesado at nakuntento na lang sa panonood sa iba pang aso na naglalaro ng pabitin. May isa naman na imbes na ang hotdog sa pabitin ang kuhanin ay ang kahoy na pinagsasabitan nito ang pilit na kinakagat at nais kunin.

“Ang pabitin, hindi lang sa bata pwede, pwede rin sa aso,” sabi ni Jhun sa kanyang post na pumatok naman agad sa mga netizen. Nagkamit na ito ng 16,000 reactions na karamihan ay ‘Haha’ at 26,000 shares dalawang araw matapos i-upload.

Larawan mula sa Facebook account ni Jhun Rapisura Ablaña

Sabi ng isang netizen na nag-share ng video, good vibes daw ang hatid sa kanya ng mga aso sa pagpasok ng taon. Talaga naman daw walang kasing-cute ang mga alaga ni Jhun na animo’y mga bata na nag-e-enjoy sa palaro.

May mga social media users din na nakakuha ng magandang ideya para aliwin ang kanilang mga alaga. Ayon sa kanila, susubukan din nilang gumawa ng pabitin para sa kanilang mga alagang aso kapag may mahalagang okasyon katulad ng birthday ng kanilang aso.

Loading…