Isang bayan sa Batangas umapela sa publiko na itigil na ang pag-donate ng damit dahil sa oversupply

  • Isang bayan sa Batangas nanawagan na itigil na ang pag-donate ng mga damit
  • Sobra-sobra na raw para sa mga evacuees ang tone-toneladang damit na natanggap nila
  • Sa halip na damit, mas nais nilang makatanggap ng mga banig at kumot na magagamit sa pagtulog ng mga evacuees

Nanawagan sa publiko ang mga opisyal ng San Luis, Batangas na itigil na ang pagdo-donate ng mga damit para sa mga nasalanta ng Taal dahil sobra na ang tone-toneldang damit na natanggap nila.

Imahe mula sa Abante

Nilinaw ni San Luis vice mayor Oscarlito Hernandez na nagpapasalamat sila sa mga tulong na ipinagkaloob sa kanila sa loob ng mahigit dalawang linggo bilang host ng nasa 15,000 evacuees mula sa mga bayan ng Agoncillo, Lemery at Taal.

Kabilang sa mga natanggap ng kanilang bayan bukod sa pagkain at tubig na inumin ay ang mga sako-sakong mga damit.

Ayon kay Hernandez, nagsawa na ang mga evacuees sa kapipili ng mga damit mula sa mga tone-toneladang donated clothes kaya pinapayagan na rin nila ang mga hindi evacuees na kumuha na rin ng mga damit na kanilang magugustuhan at mapapakinabangan.

“Sobra-sobra ang aming natatanggap. Kung mapapansin mo ang ating mga evacuees halos nagsawa na sa pagpili o pagkuha ng damit na kanilang mapapakinabangan,” anang bise alkalde.

Para mapanatiling malinis ang mga napakaraming damit, isinasako umano nila ang mga iyon tuwing hapon. Kinabukasan ay muli iyong inilalabas sa sako upang makapamili ang sinumang nais  kumuha ng mga damit.

Imahe mula kay Anjo Bagaoisan via Twitter

Dahil sa oversupply ng donated clothes, sinabi ni Hernandez na ang donasyon na mas nanaisin nilang matanggap ay mga banig at kumot na magagamit sa pagtulog ng mga evacuees.

Katulad ng San Luis, nag-anunsyo rin ang San Sebastian Parish & Cathedral of Archdiocese of Lipa noong nakaraang linggo na hindi na sila tatanggap ng mga donasyong damit dahil sa oversupply.

Imahe mula sa San Sebastian Parish & Cathedral of Archdiocese of Lipa

Loading…