Isang menor de edad itinuturing na person of interest sa pambabato sa PNR train

  • Isang menor de edad ang itinuturing na person of interest sa mga insidente ng pambabato sa PNR trains
  • Isinasailalim na sa imbestigasyon ang menor de edad
  • Mula Disyembre 2019 hanggang sa unang araw ng 2020 ay may naitalang 15 insidente ng pambabato sa tren

Isang batang menor de edad na itinuturing na person of interest sa mga kaso ng pambabato ng mga tren ng Philippine National Railways (PNR) ang kasalukuyang isinasailalim sa imbestigasyon.

Imahe mula sa DOTr

Sinabi ni PNR General Manager Junn Magno na hindi nila maaaring pangalanan ang bata dahil menor de edad ito.

“We cannot disclose as the person of interest is a minor, and our legal and security offices are concluding­ their report. So as it stands we only have a person of interest until the report is concluded,” ani Magno.

Noong Disyembre ng nakaraang taon ay may naitalang 14 na insidente ng pambabato sa mga tren ng PNR at sa pagpasok ng bagong taon ay muling binato ang isang Hyundai Rotem train unit sa Sampaloc, Maynila na ikinabasag ng windshield nito.

Nilinaw ng PNR na pawang mga lumang tren ang nabato at hindi ang mga bagong train units na mula sa Indonesia.

Hindi man nabato ang mga bagong tren, tinangka pa rin ng ilang vandals na pinsalain iyon sa pamamagitan ng paglalagay ang mga yero at gulong sa riles ng tren na makakasira sa undercarriage nito.

Imahe mula sa DOTr

Ayon kay PNR OIC spokesperson Crissy Ecalnea, may panukalang gawing krimen ang mga ganitong mga gawain na makapipinsala sa operasyon ng PNR. At dahil hindi pa ito naisasabatas, ang tangi nilang magagawa laban sa mga gumagawa ng ganito ay sampahan ng kaso.

Ang panawagan ng PNR sa publiko ay tulungan sila na mahuli ang mga nambabato.

Loading…